Presidential bet na cocaine user, sisilipin ng PNP
MANILA, Philippines — Inatasan na kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) na imbestigahan ang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang kandidatong Presidente sa May 9,2022 national elections ang umano’y gumagamit ng cocaine.
“PDEG has been tasked to work on this info,” pahayag ni Carlos sa PNP Press Corps .
Una rito, ibinisto ni Pangulong Duterte na isang presidential candidate umano na sikat ang ama ang gumagamit ng cocaine at kung ito ang iboboto ay baka malinlang umano ang mamamayang Pilipino.
Bagaman hindi pinangalanan, tinawag ng Pangulo na weak leader at spoiled brat ang naturang kandidato na mula rin umano sa mayamang pamilya.
Hinimok naman ni Carlos ang mga kandidato sa national at local elections na sumailalim sa drug test.
Kabilang dito ang mga presidentiables, vice presidentiables, senatoriables, mayoralty candidate, kandidatong Kongresista, Bokal, bise alkalde, konsehal at iba pa.
“Although the PNP acknowledges that no law mandates the candidate to undergo a drug test, but doing so will set an example to their fellow countrymen by proving that they aren’t users of illegal drugs,” anang PNP chief.
At dahilan sa sinabi ni Pangulong Duterte ay iimbestigahan ng PNP ang nasabing kaso kung saan ay mangangalap sila ng impormasyon sa diumano’y cocaine-using presidential aspirant.
Binigyang diin pa ni Carlos na anumang magiging aksyon ng PNP ay depende sa makukuhang ebidensiya.
“A person with a history of drug use may be arrested if there is an outstanding warrant of arrest in connection with the drug offense,” tugon naman ni Carlos ng matanong sa posibleng pag-aresto base sa public disclosure.
- Latest