126 aplikante para sa 2022 party-list elections na-'reject' ng Comelec
MANILA, Philippines — Lagpas isang daang party-lists na umaasang makasasabak sa halalan ang hindi naaprubahan bago ang eleksyong 2022, pagbabahagi ng Commission on Elections (Comelec).
"126 applicants for Party List registration were denied by @comelec," wika ni Comelec commissioner Rowena Guanzon sa isang tweet, Miyerkules.
126 applicants for Party List registration were denied by @comelec
— Rowena Guanzon (@rowena_guanzon) November 17, 2021
Sa kabila nito, hindi pa naglalabas ang poll body ng kumpletong kopya ng mga grupong hindi naaprubahan. Wala pang pahayag si Comelec spokesperson James Jimenez patungkol sa paskil ni Guanzon.
Bakit ipinagkakait ang rehistro sa party-list?
Sa ilalim ng Republic Act 7941 (party-list system act), nagbibigay ng walong dahilan kung bakit nire-"refuse" o kinakansela ang rehistro ng isang party-list:
- relihiyon, sekta o denominasyon ito, organisasyon o asosasyon, na binuo para magamit sa relihiyong mga pakay
- nagtataguyod ito ng karahasan o mga pamamaraang labag sa batas para maabot ang gusto
- dayuhang partido o organisasyon ito
- kumukuha ito ng suporta mula sa anumang banyagang gobyerno, organisasyon, atbp. para sa partisan election purposes
- lumalabag ito sa mga batas, panuntunan o regulasyon pagdating sa halalan
- nagdedeklara ng kasinungalingan sa petisyon nito
- hindi umiral nang hindi bababa sa isang taon
- bigong makalahok sa dalawang nakaraang eleksyon o bigong makakuha ng hindi bababa sa 2% ng boto sa ilalim ng party-list system sa nakaraang huling halalan habang sinusubukang irepresenta ang sektor na dala nito
Bakit may party-list system?
Itinatag ang party-list system sa Pilipinas sa layuning magkaroon ng kinatawan ang mga napag-iiwanan, napagsasamantalahan at nasa laylayang sektor (marginalized) ng lipunan upang makapagpasa ng mga batas na mapakikinabangan ng buong bansa.
Sa kasalukuyan, hirap ang mga mahihirap at under-represented sectors na makipagsabayan sa mga kumakandidatong mas pera't may makinarya pagdating sa mga distritong naglalaan ng posisyon sa Kamara.
Dahil diyan, ginagarantiyahan ng RA 7941 ng isang seat sa Kamara ang mga party-list na makakukuha ng 2% ng kabuuang boto. Hanggang tatlong seats ang pwedeng ibigay sa isang grupo/partido. — James Relativo
Antayabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito
- Latest