Dela Rosa 'handa' na raw sa ICC investigation, pero wala pa ring abogado sa ngayon
MANILA, Philippines — Handang-handa na raw humarap ang isang presidential aspirant pagdating sa napipintong imbestigasyon sa kanya ng International Criminal Court (ICC) — pero aminado siyang wala pa siyang legal counsel dito sa ngayon.
Ito ang sabi ni PDP-Laban 2022 presidential candidate Sen. Ronald "Bato" dela Rosa pagdating sa ginampanan niyang papel sa madugong "war on drugs" ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang hepe ng Philippine National Police noon.
"Meron po kayong Sen. Bato na may bayag na humarap sa lahat ng dapat na harapin. Concern ko lang they (ICC) are fed with lies. They are ignorant with what is really happening in the country," wika ni Dela Rosa, Miyerkules.
"Sinisigurado ko lang na ang aking puso at kunsensya ay malinis, 'yun lang ang paghahanda ko. Pero yung magcontact ako ng abogado, no hindi ako nagko-contact."
Sen Bato Dela Rosa on his preparation for the ICC investigation: "Sinisigurado ko lang na ang aking puso at kunsensya ay malinis, 'yun lang ang paghahanda ko. Pero yung magcontact ako ng abogado, no hindi ako nagcocontact." @News5PH @onenewsph
— marie ann los banos (@maeannelosbanos) November 3, 2021
Aabot na sa 6,201 katao ang namamatay sa anti-drug operations ng gobyerno simula 2016, ayon sa pinakasariwang datos ng Philippine Drug Enforcement Agency nitong Setyembre.
Sa kabila nito, inilalagay ng local at human rights groups ang casualties sa pagitan ng 12,000-30,000 — marami rito, hindi raw nakatanggap ng "due process."
Dahil diyan, naaprubahan tuloy ng ICC ang full probe sa gera kontra-droga ni Duterte, bagay na pinangunahan ni Dela Rosa bilang pinuno noon ng kapulisan.
Una nang sinabi ng Karapatan na "nuisance" presidential candidate lang talaga si Dela Rosa, sa dahilang gagawin niya ang lahat para maprotektahan si Digong at kanyang sarili sa pananagutan sa libu-libong namatay.
"Straight from the horse’s mouth, Bato’s objective for running for president is clear: to protect himself and President Duterte from the ICC’s investigation as he eyes to continue the same murderous policies such as the sham drug war and the brutal counterinsurgency campaigns," banggit ni Karapatan secretary general Cristina Palabay sa hiwalay na pahayag.
Payag na rin umatras para kay Marcos?
Sinabi rin ni Dela Rosa na hindi siya aatras sa kandidatura para magbigay daan sa kapwa presidential candidate at administration ally na si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos — maliban na lang kung hilingin ito sa kanya ng kanyang partido.
"Malabo mangyari 'yun. Hindi namin sya kapartido pero kung sabihan ako ng partido na magwithdraw ako at adopt si BBM, walang problema sa akin," dagdag niya kanina.
Kinakailangang magkapartido ang taong nagwi-withdraw para mapalitan ng isang substitute. Dati nang sinabi ni Bato na handa siyang umatras sa presidential race kung biglang tumakbo si presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa ilalim ng kanilang partido bilang substitute.
Gayunpaman, sinabi na ni PDP-Laban president at Energy Secretary Alfonso Cusi na wala sa balak nila na kuning substitute si Inday Sara.
Oktubre lang nang sabihin ng election lawyer na si Romulo Macalintal na maaaring maideklarang nuisance candidate si Dela Rosa dahil sa kanyang kahandaang umatras, lalo na't nasa batas na pwede itong ibaba sa mga naghain ng certificate of candidacy na walang "bona fide intention" para kumandidato. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5
- Latest