Anong pinag-iba: COVID-19 'booster shot' at ika-3 vaccine dose
MANILA, Philippines — Madalas mapagbaliktad o mapaglito ang mga katagang "booster shot" at "additional dose" ng COVID-19 vaccines, dahilan para isipin nang marami na iisa lang ang dalawa — pero hindi ganyan ang kaso.
Napag-uusapan ito ngayon lalo na't aprubado na ng Department of Health ang pagtuturok ng booster shots at karagdagang dose ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas ngayong 2021 at 2022, bagay na ipipinal na lang ng Food and Drug Administration sa pagrerebisa ng mga emergency use authorization.
Booster? Ano 'yan?
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang "booster doses" ay ibinibigay sa mga indibidwal na nakakumpleto na ng "primary series" ng COVID-19 vaccines. Bumababa na kasi ang proteksyon nito sa paglaon ng panahon.
"Ang booster doses, ibinibigay po sa mga individuals na nakikita na 'yung kanilang immunity which they got from the [completed primary series]... ay bumababa na," paliwanag ni Vergeire, Biyernes.
"At kailangan na uling ma-boost ang kanilang immune system."
Karamihan sa COVID-19 vaccine brands ay dalawang shots ang kailangan (Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Sputnik V at Sinovac) bago makumpleto ang primary shots.
Ilang vaccines naman gaya ng Johnson and Johnson's at single-shot Sputnik V ang iisang turok lang, kumpleto na ang primary immunization.
Inirerekomenda ng Health Technology Assessment Council (HTAC) sa DOH na maibigay ang booster shots sa mga healthcare workers simula fourth quarter ng 2021 habang 2022 ito planong ibigay sa mga eligible priority groups.
Additional dose: Para kanino?
Iba naman ang intensyon kung bakit nagbibigay ng karagdagang COVID-19 vaccine dose sa isang tao: para ito sa mga taong kulang ang proteksyong nakuha sa primary series dahil hindi gaano nakagawa ng immunity sa katawan — kadalasan dahil sa mga may sakit o immunocompromised.
Ayon pa sa World Health Organization, maging ang mga matatanda ay "mahina ang reaksyon sa standard primary series."
"Ang third doses po ay ibinibigay sa mga taong hindi nakapag-mount ng appropriate immune response sa kanilang katawan noong binigyan po sila ng [paunang] bakuna," dagdag pa ni Vergeire.
"Ang ibig sabihin po, ang isang tao na meron po siyang sakit o kondisyon na nakakaapekto o nakakapanghina sa kanyang katawan, hindi po siya nagkakaroon ng adequate effect ng bakuna sa kanya."
Ilan sa mga tatanggap nito ay mga may karamdaman gaya ng mga may cancer, na iba ang reaksyon sa gamot kumpara sa mga malulusog. Dahil diyan, kailangan nila ng dagdag na dose.
Karamihan sa mga "additional" doses ay ikatlong turok na talaga, habang ikalawa pa lang ito para sa mga nakakuha ng single-dose COVID-19 vaccines.
Inirerekomenda ng HTAC na maibigay ang dagdag na doses sa mga immunocompromised sa Pilipinas simula 2021 at 2022.
- Latest