Pabrika ng gamot vs COVID-19 isusulong ni Lacson
MANILA, Philippines — Tatlong eksperto sa kalusugan ang maaring direktang makatuwang ni Partido Reporma standard bearer Panfilo Lacson sa paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa COVID-19 pandemic at mabilis na pagbangon sa mga nasalantang kabuhayan at negosyo.
Ito’y sakaling magpasya ang mga Pilipino na siya ang ihalal na Presidente sa 2022 elections.
Ang mga ekspertong ito ay kinabibilangan nina dating Health Secretary Esperanza Cabral, dating DOH undersecretary at Food and Drugs Administration (FDA) director-general Dr. Kenneth Hartigan-Go at ang senatoriable at isa sa mga spokesperson ng Partido Reporma na si Dra. Minguita Padilla.
Ayon mismo kay Dra. Padilla, kay Lacson nila unang dinala ang Health Agenda 2022 and Beyond,” na magiging gabay ng mga susunod na lider ng bansa sa pagtugon sa pangangailangan ng mga frontliners na humaharap sa COVID-19.
Kahit na sino aniya ang manalo sa Presidential elections ay kanilang iaalok ang binuong plano dahil ang kalusugan ng mamamayan ay hindi dapat na nasasaklaw ng iba’t ibang kulay ng politika.
Isiniwalat din ni Dra. Padilla na sa ilalim ng Lacson administration ay malulunasan na ang kakulangan ng bansa sa gamot sa COVID-19.
“Gagawa na ng molnupiravir, tabletas po ito. So, kung magkaroon ka ng covid, maiinom mo na [‘yung gamot]. Parang antiviral siya, parang antibiotic na siya, parang cold medicine na lang para hindi na grumabe ang sakit,” ani Padilla.
Sa kasalukuyan, ang molnupiravir ay nasa pinal na pagsubok sa ibayong dagat at sa mga darating na araw ay maari na itong magamit ng publiko.
“At ang magandang balita pa nito, sisiguraduhin ni President Lacson ito, magiging mura kasi gagawin na dito sa mga factory sa Pilipinas. ‘Yon ang kailangan nating palakasin,” pahabol pa niya.
- Latest