Atienza iginiit na ieendorso na ng Makabayan sina Pacquiao sa 2022, kahit hindi pa talaga
MANILA, Philippines — Ibabato na raw ng koalisyon ng mga progresibong organisasyon ang kanilang suporta sa kandidatura nina presidential at vice presidential candidates Sen. Manny Paquiao at Buhay party-list Rep. Lito Atienza sabi ng huli, kahit hindi pa naman.
Sinabi kasi ng kandidato sa pagkabise na si Atienza sa Pandesal Form, Huwebes, na tiyak na ang pag-endorso ng militanteng koalisyong Makabayan sa kanila ng kanyang running mate na si Pacquiao.
"Not true. Makabayan has not declared support for any candidate," wika ni Makabayan at Bayan Muna chairperson Neri Colmenares sa panayam ng Philstar.com.
Ganyan din naman ang sinabi ni Bayan Muna party-list first nominee Teddy Casiño sa isang Tweet kanina. Ang Bayan Muna ay bahagi ng alyansa ng mga progresibong party-lists na bumubuo sa Makabayan sa Kamara.
Not true. Makabayan has not declared support for any presidential or vice presidential candidate. https://t.co/o9PZTPSOg7
— Teddy Casiño (@teddycasino) October 21, 2021
Una nang inendorso nina Pacquiao at Atienza ang ilang Makabayan senatorial candidates na sina Colmanares at Kilusang Mayo Uno chair Elmer "Ka Bong" Labog.
Sa kabila ng pagsama kina Colmenares at Labog sa senatorial slate nina Pacquiao at Atienza, una nang inilinaw ng Makabayan noong ika-15 na wala pa silang inaanunsyong suporta para sa kahit na kaninong kumakandidato sa pinakamatataas na posisyon ng gobyerno sa ngayon.
Gayunpaman, handang-handa naman daw silang makipagtulungan sa mga kumakandidatong magsusulong ng interes ng mamamayan.
"We are ready to work with candidates who have taken a clear stand against the perpetuation of tyrannical rule through a Duterte or Marcos presidency, and support continuing efforts to units the democratic forces to ensure victory in the coming elections," sambit ng koalisyon.
Matatandaang inendorso ng koalisyon ang presidential bid nina dating Sen. Manny Villar at Sen. Grace Poe noong 2010 at 2016 national elections.
Ilan sa mga isyung itinutulak ng Makabayan sa loob ng gobyerno ay ang pagbabasura ng kontraktwalisasyon, libreng pamamahagi ng lupa, pagtataas ng sahod, libreng edukasyon at pambansang industriyalisasyon.
- Latest