^

Bansa

Susubukan uli: Colmenares, Diokno naghain ng kandidatura sa pagkasenador

Philstar.com
Susubukan uli: Colmenares, Diokno naghain ng kandidatura sa pagkasenador
Litrato ng human rights lawyers na sina FLAG chairperson Chel Diokno at NUPL chairperson Neri Colmares habang inihahain ang kanilang certificates of candidacy
Released/Comelec; News5/Camille Samonte

MANILA, Philippines — Tatangkain uli ng dalawang progresibong human rights lawyers ang kanilang kapalaran sa pagtakbo sa posisyon ng senador para sa susunod na halaang 2022.

Ika-7 ng Oktubre nang i-file ng senatoriables na sina National Union of People's Lawyers chairperson Neri Colmenares at Free Legal Assistance Group chairperson Chel Diokno ang kanilang certificates of candidacy sa Comelec.

Matatandaang sinubukan din nina Colmenares, na chair din ng militanteng Bayan Muna party-list, at Diokno na tumakbo sa pagkasenador noong 2019 ngunit bigong makasungkit ng pwesto.

"Kailangan masawatan natin ang patuloy na pagragasa ng COVID at ipaglaban sa Senado ang ayuda, trabaho, edukasyon at katarungan," ani Colmanares sa kanyang talumpati kanina.

"Ang ayaw gawin ni Duterte sa kabila ng kaliwa’t-kanang pangungutang, isasabatas natin: mula libreng COVID testing, hanggang sa pagpagamot ng iba’t ibang sakit na hindi mag-alala sa gagastusin."

Dagdag pa riyan, isusulong din daw niya ang panukalang libreng hospitalization para sa mga mahihirap, kabilang na ang paglalaan ng pondo para libre na ang konsultasyon, gamot at "medically necessary" na operasyon kasama na ang kidney transplant o chemotherapy.

Tututukan din ni Colmenares ang pagbabawal sa kontraktwalisasyon na makatutulong sa mga manggagawa, isang panukalang dati nang hinarangan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"Bilang isang abogado, isusulong ko rin sa Senado ang pagbigay ng hustisya sa lahat ng biktima ng human rights violations sa ilalim ni President Duterte at pagtugis sa mga mangungurakot, at korap sa gitna ng pandemya," dagdag niya.

"My Senate run is an expression of hope and struggle as part of the people’s movement  for social reform."

'Padaliin pagkamit ng katarungan'

Layon naman ngayon ni Diokno na magtulak nang mas maraming reporma sa loob ng hudikatura.

Aniya, kung mabibigyan siya ng pagkakataon g maglingkod bilang senador, magtratrabaho siya para "mas madaling makuha ang katarungan at mapalakas ang mga alternatibo sa litigasyon sa korte," banggit niya kanina.

Kamakailan lang nang manumpa siya sa partidong Katipunan ng Nagkaisang Pilipino. Anak din siya ng dating senador at human rights advocate na si Jose "Ka Pepe" Diokno, na kilalang lumaban sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pabiro din niyang sinagot ang mga bumabanat sa kanya, lalo na ang mga pinagtatawanan ang kanyang ngipin: "Maliit na bagay ang ngipin. Hindi ba dapat pag-isipan ang bungi at bulok na sistema?" wika ng kandidato.

Bagama't galing sa ibang partido, una nang pinangalanan ng Liberal Party si Diokno bilang kanilang guest senatorial candidate dahil sa mga pagkakahalintulad ng prinsipyo. — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico, News5 at ONE News

2022 NATIONAL ELECTIONS

CHEL DIOKNO

HUMAN RIGHTS

NERI COLMANRES

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with