14,286 bagong COVID-19 cases nagpasipa sa local infections sa 2.54-M
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 14,286 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Huwebes, kung kaya't nasa 2,549,966 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 2,549,966
- Nagpapagaling pa: 138,294, o 5.4% ng total infections
- Kagagaling lang: 8,268, dahilan para maging 2,373,378 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 130, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 38,294
21.1-M fully-vaccinated na sa Pilipinas
-
Sumampa na sa 21.1 milyon ang nakatatanggap ng kumpletong bakuna laban sa COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa pinakabagong mga tala ng gobyerno. Bahagi lang 'yan ng kabuuang 45.14 milyong doses na matagumpay naiturok sa bansa.
-
Nadagdagan naman ng 1.23 milyong doses ng Moderna COVID-19 vaccines ang suplay ng Pilipinas, matapos lumapag ang eroplanong nagdadala dito sa Ninoy Aquino International Airport ngayong umaga. Bukod pa 'yan sa 391,950 Pfizer vaccines na dumating ng bansa Miyerkules ng gabi.
-
Sa gitna ng napipintong pagbabakuna ng Pilipinas sa "general population" nito sa Oktubre, kampante si presidential spokesperson Harry Roque na magiging sapat ang suplay ng mga gamot para mapunan ang kakailanganing COVID-19 vaccine doses.
-
Samantala, kinumpirma naman ni Roque na nalalapit nang pagdedesisyunan ng DOH ang magiging alert level ng Metro Manila sa gitna ng pandemya. Dagdag naman ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, nagkakaroon ngayon ng "opening" para ma-downgrade ito.
-
Umabot na sa 232.63 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang 4.76 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula sa The STAR/Alexis Romero
- Latest