Malacañang: Ayaw magpabakuna vs COVID-19 'huwag magtrabaho sa gobyerno'
MANILA, Philippines — Binalaan ng Palasyo ang mga may balak magtrabaho o nais magpatuloy sa trabaho sa gobyernong magpabakuna na laban sa COVID-19, kung ayaw nilang mailagay sa alanganin ang pagseserbisyo sa pamahalaan.
Ito ang pagpapaliwanag ni presidential spokesperson Harry Roque pagdating sa posibleng "mandatory COVID-19 vaccination" sa publiko gamit ang "police power" ng estado, bagay na idiniin ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng gabi.
You know, I do not want to advance this theory but under the police power of the state, everybody can be compelled to be vaccinated. Not because we do not believe in your theory or belief or your religion but because you are a carrier and a danger to society. Iyan ang problema diyan. It’s between your belief maybe, your religion, eh there is a division of you know religion and state.
"Well kinakailangan po muna ng batas. Ang sabi naman niya [Duterte], ang taong gobyerno, kung ayaw nilang magbakuna [laban sa COVID-19] ay 'wag silang magtrabaho sa gobyerno," ani Roque sa isang media briefing, Martes.
"So, I guess sisimulan ni presidente 'yung requirement na kinakailangan bakunado para magtrabaho po sa gobyerno."
Ani Roque, isang abogado, hindi naman daw ito makakatapak sa karapatan ng Konggreso na magpasa muna ng batas bago mag-require ng COVID-19 vaccination.
Gayunpaman, maaaring tignan na raw ito bilang panawagan ng ehekutibo na magpasa na ng batas hinggil sa pag-oobliga rito.
"Yes, of course [this is cue for them to pass a law]. That's the jurisdiction of Congress, but the president can always certify an administration bill for such a law," dagdag ni Roque.
Mandatory vaccination sa trabaho, ligal ba?
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na hindi pa ligal ang pag-oobliga ng COVID-19 vaccination sa mga empleyado ng gobyerno.
Gayunpaman, idiniin ni Roque na meron nang mga desisyon ang korte pagdating sa pagkatig sa mandatory vaccinations laban sa iba't ibang sakit.
"Marami na pong mga desisyon ang ating Korte Suprema, pati po sa Estados Unidos, na basta meron pong batas ay pwede po talagang ipatupad 'yan... [A]ng ating jurisprudence upholds the validity of laws requiring as being mandatory 'yung pagbabakuna," dagdag ng tagapagsalita ng presidente.
"So ilagay po natin sa konteksto ano. Talaga pong merong kapangyarihan ang estado na gumamit ng police power para itaguyod ang ikabubuti ng karamihan."
May mga batas sa mandatory vaccination
Merong mga batas, gaya ng Republic Act 10152, na nag-oobliga sa libreng mandatory basic immunization services para sa mga sanggol at bata laban sa mga sakit gaya ng:
- Tuberculosis
- Diphtheria, tetanus at pertussis
- Poliomyelitis
- Measles
- Mumps
- Rubella o German measles
- Hepatitis-B
- H. Influenza type B (HIB)
- iba pang mga sakit na tutukuyin ng Secretary of Health sa isang department circular
Una nang inilabas ng Department of Education at DOH ang joint circular na nagre-require ng COVID-19 vaccination ng mga teachers at non-teaching staff sa mga eskwelahang lalahok sa pilot imoplementation ng face-to-face learning.
Umabot na sa 2.52 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, binawian na ng buhay ang nasa 37,686.
- Latest