^

Bansa

6 buwan matapos ang 'Bloody Sunday' killings, Duterte inireklamo sa Int'l Labor Organization

James Relativo - Philstar.com
6 buwan matapos ang 'Bloody Sunday' killings, Duterte inireklamo sa Int'l Labor Organization
Protesta ng mga manggagawa't sari-saring grupo, ika-7 ng Setyembre, sa ika-anim na buwang paggunita sa "Bloody Sunday" killings noong Marso 2021
Released/Kilusang Mayo Uno

MANILA, Philippines — Naghain na ng pormal na reklamo ang mga sektor ng paggawa ng reklamo sa International Labor Organization (ILO) sa ikaanim na buwang paggunita sa "Bloody Sunday" killings sa Calabarzon, na siyang ikinasa ng Philippine National Police (PNP) noong ika-7 ng Marso, 2021.

Kalahating taon na ang nakalilipas nang mapatay ng pulis ang siyam na unyonista't aktibista mula Cavite, Batangas at Rizal sa iisang araw lang, bagay na idinidikit ngayon sa trade union at "human rights violations" ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"Anim na buwan na ang nakakalipas at wala pa ring nakakamit na hustisya ang mga biktima. Nagpapatuloy at lumalala pa ang pangaatake ni Duterte at ng kanyang mga militaristang alipores," ani Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno, Martes.

"Ang pinakamasahol pa, ginagamit nila ang insidente ng Bloody Sunday upang takutin ang mga manggagawang patuloy na lumalaban."

Kabilang sa mga napatay sina Emmanuel Asuncion, secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan sa Cavite, Chai Lemita Evangelista at Ariel Evangelista ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA), atbp.

Inaresto naman ang nasa anim na iba pa mula sa probinsya ng Laguna at Rizal sa parehong araw. Ang mga grupong kinabibilangan ng mga nasawi ay sinasabing nakararanas ng red-tagging at pananakot, primarya mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Una nang sinabi ng PNP na "naghahain" sila ng search warrants nang mangyari ang insidente, lalo na't "armado" raw ang mga napatay. Itinatanggi ito ng mga grupong kinabibilangan ng mga napatay.

Nangyari ang insidente matapos ang talumpati ni Duterte kung saan inuutusan niya ang militar at pulis na "siguruhing mapatay" ang mga makakaengkwentrong rebeldeng komunista.

Siinabi na ng forensic pathologist na si Racquel Fortun na pinagbabaril lahat sa dibdib ang siyam, na siyang batayan na raw ng homicide investigation.

Kasabay ng paghahain ng complaint ng mga manggagawa sa ILO ngayong araw, nagtipun-tipon din ang mga grupo ng manggagawa sa Liwasang Bonifacio, na siyang dumulo naman sa isang caravan mula Department of Labor and Employment, Department of Justice, Mendiola at Department of the Interior and Local Government.

Malacañang aantayin obserbasyon ng ILO

Kaugnay ng filing ng complaint sa ILO ng mga worker's groups, susubaybayan naman daw ng Palasyo ang kahihinatnan ng naturang reklamo.

"Antayin po natin kung anong magiging desisyon ng ILO," wika ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang press briefing kaninang hapon.

Matatandaang iniimbestigahan na rin ng task force kontra extrajudicial killings na binuo ng Department of Justice (DOJ) ang kaso, bagay na mabagal daw sabi ng ilang observers.

Kinundena na rin ng United Nations ang nasabing pagpatay sa siyam, na siyang pinagbibintangang rebeldeng komunista ng mga otoridad.

Nangyayari ang lahat ng ito habang nakabinbin pa naman ang rekomendasyong imbestigahan ang "crimes against humanity" ni Duterte sa International Criminal Court kaugnay ng kanyang madugong "war on drugs."

Sinasabing nasa 56 manggagawa na ang napapatay simula nang mailuklok sa pwesto si Duterte, habang daan-daan pa ang inaresto sa mga "gawa-gawang kaso," ayon sa KMU. Kinwestyon din nila ang nasa P30-bilyong budget ng NTF-ELCAC sa 2022 habang nasa P28 bilyon lang ang ilalan para sa DOLE-OSEC na pagkukunan ng pondo para sa paghahanap ng trabaho at kabuhayan, ayuda, atbp para sa mga manggagawa.

"Sa halip na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan lalo na sa kasagsagan ng pandemya, inuuna pa ng rehimeng Duterte ang panunupil," dagdag pa ni Adonis.

"Buwagin na ang NTF-ELCAC at ilaan ang pondo para sa makataong tugon sa pandemya! Higit sa lahat, panagutin ang rehimeng Duterte at bigyang hustisya ang pagkamatay ng mga biktima ng estado!"

HUMAN RIGHTS

INTERNATIONAL LABOR ORGANIZATION

KILUSANG MAYO UNO

LABOR RIGHTS

RODRIGO DUTERTE

TRADE UNIONISM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with