Granular lockdown sa Metro Manila ‘di pa aprub ni Duterte
MANILA, Philippines — Hindi pa nagbibigay ng ‘go-signal’ si Pangulong Rodrigo Duterte para sa implementasyon ng ‘pilot granular lockdowns’ sa Metro Manila ilang araw bago magtapos ang kasalukuyang klasipikasyon ng quarantine sa Setyembre 7.
Inihayag ito ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque makaraang aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang ‘granular lockdown’ sa National Capital Region (NCR) umpisa sa Setyembre 8.
“New quarantine responses still for approval of PRRD (President Duterte),” ayon sa text message ni Roque sa mga mamamahayag kahapon.
Sinabi naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na kung maaaprubahan na ng Pangulo, tanging mga tukoy na lugar na may matataas na kaso ng COVID-19 ang ilalagay sa lockdown.
Ang ibang lugar na hindi isasailalim sa ‘granular lockdown’ ay bubuksan naman sa ekonomiya upang lumakas ang mga negosyo at bumalik ang kabuhayan ng taumbayan.
Pinipino pa umano ng pamahalaan ang naturang panuntunan na agad na maipatutupad sa Setyembre 8 kapag nagbigay na ng ‘go signal’ ang Pangulo.
Una nang sinabi ng IATF na patungo na ang pamahalaan sa direksyon ng pagpapatupad ng ‘granular o localized lockdowns’ na nakikita nilang mas epektibo kaysa sa regular na quarantine classifications na nakasanayan na ng publiko.
Una na ring sinabi ni Roque na kinakailangan na ng bagong taktika ng pamahalaan sa lockdowns dahil sa tila hindi na epektibo ang ipinatutupad na mga ‘quarantine classifications’.
- Latest