Manila Mayor Isko Moreno 'wala nang pang-amoy, panlasa' dahil sa COVID-19
MANILA, Philippines — Bagama't nananatiling maayos ang pangangatawan, patuloy sa pagpapakita ng sintomas ng coronavirus disease (COVID-19) ang alkalde ng Lungsod ng Maynila — kasama na rito ang pagkawala ng pang-amoy at panlasa sa pagkain.
Ito ang ibinahagi ni Grace Padilla, officer-in-charge hospital director ng Sta. Ana Hospital, kung saan kasalukuyang naka-admit si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.
"Our Honorable Mayor, on his 5th hospital day, has reported loss of smell and taste which is part of the COVID-19 disease spectrum," ani Padilla sa isang medial bulletin, Biyernes.
"His appetite remains good. He has minimal body pains reported, now at Grade2/10, and has not taken any pain relievers for the entire day. He is comfortable and well rested."
Nananatili namang stable ang vital signs ni Domagoso habang wala namang "significant chest findings" sa kanyang Xray results.
Linggo lang nang i-admit sa nasabing ospital ang actor-turned-mayor dahil sa COVID-19, na siyang sinisipon, inuubo at nakararamdam ng pagod. Kasalukuyang number two sa Pulse Asia survey pagdating sa pagkapangulo sa 2022 si Domagoso.
Huwebes lang nang iulat na dinischarge na mula sa Sta. Ana Hospital ang kanyang bise alkalde na si Honey Lacuna matapos gumaling sa COVID-19.
"We continue to pray and send good wishs for [Mayor Isko's] recovery! Keep safe anyone," panapos ni Padilla.
Simula Sabado, kasama ang Maynila sa ilalagay sa mahigpit-higpit na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) dahil sa patuloy na pagtaas ng hawaan, kasama ang kabuuan ng Metro Manila at probinsya ng Laguna. Sa Lunes naman ay ipatutupad ito sa Bataan.
Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 1.79 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 30,881. — James Relativo
- Latest