Planong 2022 DPWH budget halos '3x mas malaki' sa DOH kahit COVID-19 pandemic
MANILA, Philippines — Kahit lumalapit uli sa all-time high ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) nitong mga nagdaang araw, pang-apat lang sa prayoridad ang Department of Health (DOH) pagdating sa pondong posible nitong matanggap sa susunod na taon.
Ngayong Martes kasi inanunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque na P242 bilyon ang proprosed budget para sa DOH. Halos tatlong na beses 'yang mas maliit sa P686.1 bilyon na plano ilaan sa Department of Public Workers and Highways (DPWH) sa 2022.
Kahit COVID-19 pandemic, halos tatlong beses mas mataas ang matatanggap na pondo ng @DPWHph (P686.1-B) kaysa @DOHgovph (P242-B) sa 2022 proposed national budget, ani @attyharryroque. @PhilstarNews @PilStarNgayon pic.twitter.com/G2f9AegfeL
— James Relativo (@james_relativo) August 17, 2021
Parte lang ito ng P5.024 trilyong 2022 National Expenditure Program, na siyang pinakamalaki sa kasaysayan, sabi ni presidential spokesperson Harry Roque kanina.
"Talaga pong prayoridad natin ang kalusugan sa panahon ng pandemya, pero 'wag po nating kalimutan, 'yung ating mga TTMFs (temporary treatment and monitoring facilities), 'yung ating modular hospitals, ang nagpapatupad po niyan DPWH din," wika pa ni Roque.
"So malaking bahagi po ng budget ng DPWH ay para rin sa ating COVID response."
Numero uno sa ngayon sa 2022 NEP ang pondo para sa sektor ng edukasyon gaya ng Department of Education, State Universities and Colleges at Commission on Higher Education, na siyang makakukuha ng P773.6 bilyon.
Kasunod naman ng DPWH ngunit mas prayoridad din ngayon sa DOH ang Department of the Interior and Local Government na posibleng makakuha ng P250.4 bilyon.
"Sa ngayon ay fina-finalize na po at pini-print ang Fiscal Year 2022 National Expenditure Program... at target na maisumite ito sa Konggreso sa Lunes, August 23, 2021," dagdag pa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang NEP ay konsolidasyon ng inirerekomendang pondo para sa mga ahensya ng Department of Budget and Management. Isinusumite ito sa lehislatura para ma-review at mapagdebatihan bago tuluyang maging pinal sa pamamagitan ng isang batas, hanggang sa maging General Appropriations Act.
Sa kabuuan, P1.922 trilyon mula dito ay ilalaan para sa social services sector, gaya ng pagpapatupad ng Universal Health Care Act, pagbili ng COVID-19 vaccines, at pagpapatupad ng Universal Access to Quality Teritary Education.
Nasa P1.474 trilyon naman o 29.3% ng NEP ang nakalaan para sa economic sevices sector, kung saan bahagi ang flagship programs sa ilalim ng Build Build Build ni Duterte.
Nasa P892.7 bilyon naman ay ilalaan sa "general public services sector," habang P541.3 bilyon naman ay para sa debt burden o utang. Nasa P224.4 bilyon naman ay mapupunta sa defense sector.
Bahagi lamang ito ng mungkahing P5.024 trilyong budget para sa susunod na taon, na pinakamalaki sa kasaysayan ayon sa Palasyo.
— James Relativo (@james_relativo) August 17, 2021
Nasa 11.5% itong mas malaki kumpara sa FY 2021. @PhilstarNews @PilStarNgayon pic.twitter.com/p6MNYk4XuI
"The proposed budget for 2022, an election year amid a pandemic, is more than P5 trillion, the biggest in history. Despite the COVID crisis, the health budget only ranks as 4th biggest spending. The DPWH budget is nearly 3x the health budget," dismayadong tugon ni Renato Reyes Jr., secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan.
"Makikita talaga ang prayoridad ng Duterte regime."
Ganito ang proposed budget ng gobyerno kahit na 14,749 ang bagong hawa ng COVID-19 na iniulat ng DOH nitong Linggo, ang ikalawang pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas sa iisang araw lang. Nitong Lunes naman naitala ang ikatlong pinakamataas na single day increase simula nang makapasok ang virus sa bansa.
- Latest
- Trending