DOH 'di muna bibilhin P700K halagang 'high-end' laptops na kontrobersyal
MANILA, Philippines — Mauunsyami muna ang pagbili ng Department of Health (DOH) ng ilang mamaling computer matapos mapuna ng ilan, bagay na idadaan daw muna nila sa masusing pag-aaral pagdating sa umiiral na mga presyo sa merkado.
Ika-4 lang ng Agosto nang ilabas ng DOH sa kanilang website ang planong pagkuha ng apat na "high-end 2-in-1 laptop with accessories," na siyang may total approved budget na P700,000.
Biro tuloy ng ilang netizens nitong mga nagdaang araw, matindihang "gaming laptop" ata ang kukunin ng Kagawaran ng Kalusugan dahil sa presyo nito.
"Yes, the DOH has plans of procuring such laptops for the use of the knowledge management and information technology," wika ni Health Undersecretary Leopoldo Vega, Lunes, sa isang media forum.
"However to date, the procurement transaction was put on hold, ending the result of the further market study and prevailing market price for these laptops."
Lalabas na papatak ng P175,000 kada laptop kung hahatiin ang kabuuang presyo nito sa apat, na labis-labis para sa karamihan ng laptop na karaniwang ginagamit sa bahay.
Una nang hinihingi ng Central Office Bids and Awards Committee ang pagsusumite sa kanila ng "best and final offer" para sa nabanggit na mga kagamitan.
"Nagpapaliwanag DOH. Ipapaliwanag kaya nila ano ang specs nung P175K worth laptop?" sambit ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite sa isang tweet kanina.
Nagpapaliwanag DOH. Ipapaliwanag kaya nila ano ang specs nung P175K worth laptop?
— Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite (@FerdinandGaite) August 16, 2021
Nangyayari ang lahat ng ito ilang araw mula nang masita ng Commission on Audit ang DOH dahil sa "deficiencies" sa pag-aasikaso ng P67.32 bilyong pondo para sa COVID-19 response.
Posible tuloy manghimasok ang Task Force against Corruption para magsagawa ng anti-graft probe oras na hindi maipaliwanag nang sapat ng DOH ang nasabing isyu.
Kaugnay nito, ihain ng progresibong Makabayan bloc sa Kamara ang House Resolution 2129 para imbestigahan ang "inefficiency" at "criminal negligence" ng kagawaran batay sa ulat ng COA.
— James Relativo
- Latest