‘Pangakong napako’ kay Onyok tinupad nina PRRD, Bong Go
MANILA, Philippines — Matapos malaman ang hinaing ni dating Olympian Mansueto “Onyok” Velasco kaugnay ng mga pangakong napako sa kanya nang magwagi ng silver medal sa Olympics, higit dalawang dekada na ang nakararaan, tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi ito mangyayari sa Duterte administration, lalo ngayong humakot ng medalya ang ilang atletang Filipino na sumabak sa Tokyo Olympics.
Sinabi ni Go na ipinabatid niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang hinaing ni Onyok at inirekomendang bigyan siya ng financial aid para matugunan ang hindi naibigay na mga pangako sa boksingero ng iba’t ibang kompanya at personalidad.
Sa ngayon ay pinoproseso na ng Office of the President ang financial assistance na P500,000 para kay Onyok.
“Kapag may binitawang salita, dapat tuparin! Iyan po ang ugali namin ni Pangulong Duterte. Bagama’t nangyari naman ito more than twenty years ago at wala naman kaming kinalaman sa mga napangako sa kanya noon, nais ko lang hanapan ng paraan na maresolba ito sa panahon ni Pangulong Duterte,” ani Go.
Si Onyok ay nagwagi ng silver medal sa boxing noong 1996 Summer Olympic Games. Ayon sa boksingero, maraming personalidad at pulitiko na nangakong bibigyan siya ng gantimpala at insentibo pero hindi naman natupad.
“Bagama’t hindi natin maibibigay lahat ng ipinangako sa kanya noon, kahit papaano ay bigyan natin si Onyok ng pagkilala ngayon at dagdag na tulong. Tandaan natin na ang kanyang pagkapanalo ilang dekada na ang nakalipas ay naging inspirasyon rin para sa mga atleta nating nagtagumpay ngayon,” idinagdag ng senador.
Tiniyak ni Go na ang nangyaring pagpapaasa kay Onyok ay hindi mangyayari kina Hidilyn Diaz, Carlo Paalam, Nesthy Petecio at Eumir Marcial na nagwagi ng medalya sa Tokyo Summer Games.
- Latest