^

Bansa

Mayor Isko sa parinig ni Duterte: Ayuda sa Maynila 'efficient,' mabilis, sabi ng DILG

James Relativo - Philstar.com
Mayor Isko sa parinig ni Duterte: Ayuda sa Maynila 'efficient,' mabilis, sabi ng DILG
Litrato nina Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso (kaliwa) at Pangulong Rodrigo Duterte (kanan)
Mula sa Facebook page ni Francisco "Isko Moreno" Domagoso; Presidential Photo/Robinson Ninal

MANILA, Philippines — Imbis na makipagsagutan, achievements na lang ang ipinakita ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso matapos ang patutsada't banta ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang pamamahagi ng lockdown ayuda sa kanilang lungsod.

Lunes ng gabi, sinabi ni Digong na tatanggalan niya ng kapangyarihan ang isang siyudad sa Metro Manila mamahagi ng P1,000 ayuda sa gitna ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa dahilang "'di sila marunong mag-organisa" — maliban sa pagpaparinig sa trabaho ng sexy actor-turned-mayor.

"Iyong kay [MMDA] Chairman [Benhur] Abalos, may isa akong siyudad diyan na hindi ko bibigyan ng power to distribute ‘yung ayuda simply because in so many instances, they cannot organize a... Wala, talagang every time," ani Duterte kagabi.

"Nakita ko nga sa Facebook kanina, lahat nang naka-bikini ang g*** tapos may isang picture pa doon na sinisilip niya 'yung ari niya. Iyan ang gusto ninyo? Ang training... parang call boy. Naghuhubad, nagpi-picture, naka-bikini tapos 'yung garter tinatanggal niya."

Hindi man binanggit ni Duterte ang pangalan ni Domagoso, siya lang ang mayor sa Metro Manila na kilalang gumaganap noon para sa mga sexy roles.

Kasunod ng mga parinig ni Duterte, agad na nagpost si Domagoso ng sari-saring certificates of recognition pagdating sa "efficient" at "mabilis na pagkukumpleto" ng pamimigay ng ayuda, bagay na iginawad sa kanila ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

"Good morning Manila! Congratulations Dir. Re Fugoso and All our staff from Manila Social welfare. Keep it up and keep safe. Manila, God first!" ani Mayor Isko, Martes.

Ang mga naturang certificates din ang ipinakita ni Domagoso sa media nang tanungin siya kung sa tingin niya'y siya ang pinatatamaan ng presidente.

Ilang araw pa lang nang patamaan ni Domagoso ang isang personalidad sa "pagsisimula ng takot" kung kaya't biglang nagsiksikan ang mga taong nais magpabakuna laban sa COVID-19 sa Maynila. Binitiwan niya ito matapos sabihin ni Duterte na "hindi palalabasin ng bahay ang mga walang bakuna."

"Unang-una, kasalanan na nga naming gobyerno. Bakit? E dapat yung bakuna noon pa dumating, e ngayon, natakot pa ata ang mga tao kasi may mga kiyaw kiyaw pa na ipakukulong sila, ‘di sila bibigyan ng ayuda ‘pag hindi bakunado, hindi sila palalabasin," ani Domagoso sa panayam ng ANC ngayong buwan.

"I did not make that statement; somebody did. That generate[d] fear."

Kapansin-pansing nanggalaiti rin si Duterte sa talumpati niya kagabi patungkol sa "paninisi" ng isang mayor. Hindi klaro kung kaugnay ito ng statement ni Domagoso sa mga nananakot na dahilan ng siksikan sa vaccination centers: ", you know, it has happened several times and several times he has blamed other people other than himself. What a... Iyan ang gusto... Susmaryosep."

Kilalang no. 2 si Domagoso sa nakaraang Pulse Asia Survey pagdating sa posisyon ng pagkapresidente sa 2022, kasunod ng presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

DILG inaantay paglilinaw ng Palasyo

Inaantay pa naman ngayon ng DILG ang paglilinaw ng Malacañang pagdating sa "pagtatanggal" ng kapangyarihang mamahagi ng ayuda sa isang Metro Manila city, bagay na dapat magsisimula na ngayong Miyerkules.

"The president did not identify the LGU so we can’t act unless there is a specific and clear instruction," ani DILG spokesperson Jonathan Malaya sa panayam ng Philstar.com.

"[W]e will defer to [Sec.] Harry [Roque because] he’s the presidential spokesperson and not us."

Ipinatutugis na ngayon sa National Bureau of Investigation (NBI) ni Metropolitan Manila Deve­lopment Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang mga nagpasimuno ng ‘fake news’ na hindi mabibigyan ng ayuda ang hindi bakunado ng COVID-19, na isa sa mga dahilan ng mga siksikang bakunahan sa Metro Manila. — may mga ulat mula kay Bella Perez-Rubio  

AYUDA

FINANCIAL AID

FRANCISCO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with