DOH kinontra opisyal: 12-17 bawal magpabakuna vs COVID-19 kahit may comorbidity
MANILA, Philippines — Taliwas sa sinabi ng mataas na opisyal ng National Task Force Against COVID-19 (NTF), idiniin ng Department of Health (DOH) na bawal pa ring bakunahan laban sa COVID-19 ang mga menor de edad kahit na may iniindang sakit, na sakop ng priority sa vaccine.
Ito ang binanggit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Biyernes, kahit sinabi ni NTF deputy chief implementer Secretary Vince Dizon kahapon na pwede ito sa 12-17 taong gulang basta Pfizer vaccine at may iniindang karamdaman (comorbidity).
"Hindi pa... Hindi pa ho napagbibigyan ng rekomendasyon ng ating mga eksperto na magbakuna na tayo ng mga 12-17 years old with comorbidities," ani Vergeire sa isang media forum kanina.
"Gusto pa rin natin masiguro ang safety ng mga bakunang ito para sa ating mga kabataan kaya kailangan pa natin ng additional evidence for that."
Sinasabi ito ng DOH official kahit na meron nang emergency use authorization (EUA) ang Food Administration sa COVID-19 vaccines ng Pfizer-BioNTech para sa mga batang edad 12-17. Labas sa Pfizer, itinuturok lang ang iba pang COVID-19 vaccines para sa mga 18-anyos pataas.
Hunyo lang nang sabihin ni Vergeire na bukas ang DOH ipagamit ang Sinovac COVID-19 vaccines sa mga chikiting na 3-anyos pataas, matapos maaprubahan ng Tsina ang kanilang EUA para rito.
"'Yung mga supplies po natin ngayon, kailangang idirekta muna natin doon sa mga taong matatanda, A2 at tska 'yung mga ating A3 (persons with comorbidities) and A1 (healthcare workers). Pagkatapos, tska tayo pupunta sa ibang sectors," dagdag ni Vergeire.
"And secondly, base sa ating pag-aaral, and even now na meron tayong Delta variant, nakikita po natin, ang mas highly likely, ang mas may risk talagang maospital, magka-severe infections, and even mamatay ay 'yung mas nakakatanda."
Sa rekomendasyon ngayon ng DOH, mas maganda raw na magpabakuna muna ang lahat ng adult populations sa loob ng mga bahay para na rin magkaroon ng "indirect protection" mula sa nakamamatay na virus ang mga bata.
Maliban sa A1, A2 at A3, pinapayagan na rin ang pagbabakuna ngayon sa mga A4 (working population na kailangang lumabas ng bahay) at A5 (mga mahihirap).
Ano ba talaga? Bawal o pwede?
Kung pakikinggan ang pahayag ni Dizon sa media briefing ng Malacañang nitong Huwebes, sinasabi ng NTF deputy chief implementer at testing czar na pwedeng-pwede ang ilang menor de edad sa COVID-19 vaccines basta pasok sa A3 priority listing.
"'Yun pong mga bata, aasa po tayo sa mga eksperto, ano? 'Yan po ang kailangan diyan. Ngayon, may EUA ang FDA sa Pfizer na pwede ang 12-17, pero dahil nga kulang pa ang ating mga bakuna, ang mga 12-17 lamang na may comorbidity ang babakunahan natin. So kailangan i-manage natin nang mabuti 'yung mga supply natin," ani Dizon kahapon.
"Right now, hindi pa rin kaya serbisyuhan ang lahat ng ating mga qualified na Pilipinong pwede magpabakuna."
Iginigiit din niya na dapat makapagbakuna ang gobyerno ng 4 milyong doses ngayong ECQ. Aniya susi ito para maabot ang 50% population protection bago magtapos ang buwan ng Agosto.
Kalituhan tuloy ngayon ang tiyak na dulot ng nagbabanggaang pahayag ng dalawang matataas na opisyal ng gobyerno, na pare-parehong may katungkulan para labanan ang paglaganap ng COVID-19 at mas nakahahawang Delta variant.
Sa ngayon, 9.8% na ng mga Pilipino, o 10.7 milyon ng populasyon, ang nakakukuha ng kumpletong doses ng COVID-19 vaccines ani Dizon kanina/
Nadali na ng COVID-19 ang nasa 1.62 milyong katao sa Pilipinas, ayon sa mga datos na inilabas kahapon. Sa bilang na'yan, 28,427 na ang patay.
- Latest