Kalbaryo ng commuters lumala pa
MANILA, Philippines — Mas lumala umano ang kondisyon ng trapiko at public transportation sa bansa na nagpapasakit sa mga mamamayan araw-araw.
Ito ang hinaing ni Elvira Medina, chairperson ng National Center for Commuter Safety and Protection Inc. at ibinahagi ang mga hirap na dinanas ng mga kapwa niya commuters.
Mula umano ito sa pagpila ng madaling araw mula sa MRT North Edsa hanggang sa Centris para makasakay sa MRT papunta sa kanilang pinapasukang mga trabaho.
Saad pa ni Medina, may mga nadisgrasya pa sa pagsakay sa lumang jeep, o ang iba naman ay nasaktan dahil sa walang pagpapahalagang pagmamaneho ng mga jeepney drivers sa mga commuters.
Subalit kapag magrereklamo umano ang mga commuters, imbes na pakinggan ang kanilang mga hinaing ay sinasagot lamang ng gobyerno na nagpapabilis na diumano ang paglalakbay dahil sa mga busway na itinalaga ng DOTr at dahil umano nabawasan na ang traffic.
Sa isinagawang pag-aaral ng NCCSPI, itinuro ni Medina na lumalabas na maraming nakatira sa labas ng NCR at nagtatrabaho dito ang napipilitang umupa ng tirahan dito sa hirap ng pag-uwi at pagpasok sa trabaho.
“Ang dating programa ng pamahalaan na paluwagin ang Metro Manila sa pamamagitan ng low-cost housing na ginamit ng ating mga kababayan upang magkaroon ng sariling bahay at lupa ang nawalan ng halaga. Muli silang nagbalik sa Maynila at dito na muling nanirahan. Marami sa kanila ay dalawang bahay ang dapat ipaglaan ng pera – ang hinuhulugang bahay at ang inuupahang silid o apartment. Panibagong hirap,” sinabi pa ni Medina.
- Latest