P1,000 ECQ ayuda sa NCR tiyak na, kaso pondo 'hindi sure saan kukunin'
MANILA, Philippines — Sure na sure na ang pinansyal na ayuda para sa mga residente sa National Capital Region (NCR) ayon sa Malacañang, pero hindi pa malinaw kung ano ang funding source nito.
Nakatakdang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila simula Biyernes, dahilan para makulong na naman ng bahay ang milyun-milyon — maliban sa mga nagtratrabaho at bumibili ng pagkain o gamot.
"At nakumpirma ko lang ho ngayong araw na ito, siguradung-sigurado po, ibibigay natin 'yung ayuda na ibinigay natin sa Cagayan de Oro, Iloilo Province at Iloilo City, P1,000 per person hanggang P4,000 kada pamilya," ani presidential spokesperson Harry Roque, Lunes.
"Sigurado pong ibibigay 'yan. Ang hindi lang sigurado, saan kukunin. Pero ang mandato po ng [Presidente Rodrigo Duterte], 'Humanap kayo ng pera.'"
Nagpupulong na ngayon ang Department of Budget and Management (DBM) para plastahin ang magiging funding source, lalo na't tiyak na marami ang hindi makakalabas ng bahay para magtrabaho dahil maraming establisyamento ang hindi pinapayagang mag-operate sa ilalim ng ECQ.
Isasagawa ang naturang lockdown dahil sa pagdami ng mas nakahahawang Delta variant, na sinasabing kayang magpasa ng nakamamatay na virus sa walo katao basta't makasalamuha lang nang ilang segundo.
"Dahil alam nating maraming isang kahig, isang tuka, hindi naman po pupwedeng magugutom sila nang tuluyan. Kaya naman po ang assurance ng ating presidente, hindi talaga tayo maglo-lockdown kung walang ayuda," patuloy ni Roque.
Pangako pa ng Palasyo, kayang maibigay ang ayuda bago pa man ipatupad ang ECQ.
Noong isang linggo pa inanunsyo ni Roque ang nakaambang ECQ sa Metro Manila pero sa ipatutupad lang matapos ang isang linggo. Ito'y para makapangutang na ang kinakailangang mangutang at para maihanda ng gobyerno ang pagkukunan ng pera.
Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 1.59 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 ngayon sa Pilipinas. Pumanaw na ang 28,016 sa kanila.
- Latest