'Walk in' sa COVID-19 vaccinations bawal muna oras na ipatupad uli ECQ
MANILA, Philippines — Bagama't lumalaki ang pangangailangan ng pagbabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) ngayong lumalaganap ang mas nakahahawang Delta variant, inilinaw ng Department of Health (DOH) na pagbabawalan muna ang "walk in" sa mga bakunahan habang nagpapatupad ng mas mahigpit na lockdown.
Ito ang inilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga reporters, Lunes, ngayong ipatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila simula Biyernes.
"Ang pinakaimportante na ilalabas na guidelines natin, wala pong walk in. Walk ins will not be allowed, there will be pre-registration. Magkakaroon po ng strict scheduling para po hindi nagkakaroon ng mass gathering sa ating bakunahan," ani Vergeire kanina.
"Magkakaroon din po ng provision dapat ang local governments ng transportation for these vaccinees, dahil alam natin medyo limitado po ang mga transportasyon kapag ka ECQ po ang ating gagawin."
Tiniyak naman niyang magiging exempted mula sa ECQ restrictions ang mga nakaiskedyul magpabakuna, lalo na't ipinagbabawal ang paglabas-labas ng bahay ng lahat maliban na lang kung kukuha ng pangangailangan (pagkain, gamot) o kung magtratrabaho.
Aniya, kinakailangan lang nilang magpakita ng kanilang mga vaccination cards o schedule ng pagbabakuna para mapayagang bumiyahe.
Nakatakdang ilagay ang Metro Manila sa ECQ simula ika-6 hanggang ika-20 ng Agosto dahil sa pagkalat ng Delta variant na lubos na mas nakahahawa sa iba pang uri ng COVID-19.
Kahit wala sa 'priority list' pwede na, pero...
Para mas maprotektahan ang mas marami mula sa Delta variant, sinabi rin ng DOH na pwede nang mabakunahan kahit ang mga wala pa sa mga priority list ng gobyerno sa Metro Manila basta't gusto nila at may sapat na suplay ng gamot.
Gayunpaman, prayoridad pa rin naman daw na unahin sa vaccine ang mga healthcare workers, senior citizens at mga may iba pang karamdaman (comorbidities).
"'Yun po ang isa sa mga strategies na gagawin. Pero katulad nga ng sabi ko, ito pong supplies natin kailangan titignan ng local governments. Kais gusto natin, priorities pa rin unahin nila, and then the rest of the population can follow," saad pa ni Vergeire.
"But yes, that is the strategy of our vaccine cluster. Susundin po natin 'yan."
Target ng mga Metro Manila mayors na mabakunahan ang nasa 250,000 katao araw-araw sa darating na ECQ, paglalahad ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos.
Nananawagan naman ngayon ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa mga nais maging volunteer ngayong inihahanda nila ang 24/7 vaccinations mula sa nakamamatay na virus.
Sa huling ulat ng gobyerno nitong Linggo, umabot na sa 1.59 milyon ang dinadapuan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na ang 28,016 sa bilang na 'yan.
- Latest