97 bagong Delta variant COVID cases na mas nakahahawa naitala ng 'Pinas
MANILA, Philippines — Halos 100 bagong kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 ang naitala ng Pilipinas sa pamamagitan ng isinasagawang biosurveillance ng bansa, ayon sa mga eksperto ngayong araw.
Ito'y matapos mag-ulat ng Department of Health (DOH), University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC) at UP National Institutes of Health (UP-NIH) ng kanilang bagong batch ng whole genome sequencing results.
Narito ang mga naidagdag na mas nakahahawang variants ng COVID-19 sa bansa ngayong Huwebes:
- Delta variant (97)
- Alpha variant (83)
- Beta variant (127)
Itinataas nito ang bilang ng Delta variant sa Pilipinas sa 216.
Ang Delta variant ay mas nakahahawa pa sa mas nakahahawa na ngang Alpha, Beta at Gamma variant ng COVID-19. Isa rin ito sa mga nakikitang dahilan sa biglaang pagtaas ng kaso nito sa iba't ibang bahagi ng mundo.
Narito nanggaling ang 97 bagong kaso ng Delta variant na nai-report sa bansa:
- local cases (88)
- returning overseas Filipinos (ROF)
- bineberipika pa (3)
"Of the six ROFs, two were from seafarers of MT Clyde and Barge Claudia, currently anchored off in Albay, and four were from crew members of MV Vega that arrived from Indonesia," dagdag ng statement ng DOH, PGC at NIH.
"Ninety-four cases have been tagged as recovered and three were fatalities. The DOH is coordinating with the respective local government units to determine other information, such as exposure and vaccination status."
Idinidiin naman ngayon ng DOH ang kahalagahan ng pagpapabakuna ngayon ng mga priority groups gaya ng senior citizens (A2) at may mga comorbidity (A3) lalo na't mataas ang kanilang risk para sa severe COVID-19 at pagkamatay mula dito.
Una nang inirerekomenda ngayon ng business sector at OCTA Research Group ang pagpapatupad ng dalawang linggong lockdown lalo na sa Metro Manila dahil na rin sa biglaang pagtaas ng COVID-19 cases, bagay na pinaghihinalaang sanhi ng Delta variant.
Sa huling ulat ng DOH nitong Miyerkules, umabot na sa 1.56 milyon ang tinamtaan ng nakamamatay na virus sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 27,401 katao.
- Latest