350 fully vaccinated pwede sa SONA ni Duterte
MANILA, Philippines — Nasa 350 ‘fully vaccinated’ na mga indibiduwal ang papayagang pisikal na dumalo sa huling State of the Nation Address (SONA ) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26 sa Batasang Pambansa Complex.
“As of now ang papayagan sa loob around mga 350 na tao... magkakasama na lahat, senators, congressmen, mga ibang government officials saka ibang mga VIPs or guests,” pahayag ni House Secretary General Mark Mendoza.
Inihayag ni Mendoza na rekisitos ng Presidential Security Group (PSG) na ang pahihintulutang pisikal na dumalo sa SONA ay mga fully vaccinated.
Bukod sa ‘fully vaccinated’ ay isasailalim din sa RT-PCR at antigen testing ang mga papasok sa plenaryo.
Kabilang sa inaasahang dadalo sa SONA ay mga dating Pangulo, bise Presidente, dating Speaker ng Kamara at iba pang mahahalagang personalidad.
Isasailalim sa lockdown ang Kamara umpisa sa darating na Biyernes, Hulyo 23.
- Latest