Forced evacuation ipinatupad sa 5 barangay sa Batangas
MANILA, Philippines — Bunsod ng patuloy na pag-aalburoto ng bulkang Taal, ipinatupad na ang forced evacuation sa limang barangay sa Batangas.
Ayon kay Police Regional Office 4A (PRO4A) chief P/Brigadier Gen. Eliseo Cruz, ito ay Barangay Gulod, Buso Buso, at Lakeshore Bugaan East sa Laurel at Banyaga at Bilibinwang sa Agoncillo.
Sinabi ni Cruz na protocol ito sa sitwasyon ng Taal kung saan napagkasunduan din kasama ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 4-A.
Nabatid kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesman Mark Timbal, aabot sa 1,282 indibiduwal o 317 pamilya ang nailikas na at ngayo’y nasa evacuation centers.
Habang aabot sa 14,495 katao o 3,523 pamilya ang maaapektuhan ng pagsabog ng bulkan.
Samantala, inatasan din ni Cruz ang Batangas Provincial Police Office na alalayan at tulungan ang mga apektadong police station upang matiyak ang seguridad sa mga evacuation centers habang ipinatutupad ang health protocols laban sa COVID-19 pandemic.
Pinaalalahanan din ni Cruz ang Laguna at Cavite PPOs na pagbawalan ang pagpapapasok ng mga turista lalo na sa Tagaytay upang maiwasang makadagdag pa sa sitwasyon.
- Latest