‘PNoy hindi pala-utos’
Ayon sa kasambahay
MANILA, Philippines — Sa pagpanaw ni dating pangulong Noynoy Aquino III, inalala ng matagal nitong kasama sa bahay ang ugali ng kanyang amo.
Sa lingguhang radio program ni Vice-President Leni Robredo, kinuwento ni Yolly Yebes, kasambahay ng mga Aquino sa loob ng 30 taon, na mabait at hindi pala-utos ang dating pangulo.
Sinabi pa ni Yebes, Huwebes ng 5:45 ng umaga nang madiskubre niya na wala nang buhay si Aquino habang nakaupo sa La-Z-Boy.
Miyerkules umano ng gabi ay hiniling pa ng dating pangulo sa kanyang kasambahay na gusto niyang kumain ng crispy pata, sisig at burger kinabukasan araw ng Huwebes.
Tatawag na lamang umano si Aquino sa kanyang kasambahay kung kakain na ito subalit hindi ito tumawag.
Bandang alas-12 ng madaling araw ay pinasok umano ni Yebes ang kwarto ni Aquino at nakita niya itong tulog kaya sinabihan niya ang security aide ng dating pangulo na tawagin siya kapag kakain.
Subalit bandang alas-5:45 ng Huwebes ng umaga ay sinabi umano ng security aide ni Aquino na hindi tumawag ang dating pangulo.
Dahil dito kaya kinabahan na umano si Yebes at mabilis na pumunta sa kwarto at ginising ang kanyang amo subalit hindi na siya gumagalaw dahilan para ipatawag ang nurse ni Aquino.
Inalala ng kasambahay noong nasa pwesto pa ang dating pangulo na agad dumidiretso sa kanyang kwarto pagkagaling sa trabaho kung saan siya nagbabasa at nanoood ng telebisyon.
“Napakabait, hindi siya palautos talaga,” ayon pa kay Yebes at sinabing ang paborito na laging pinapaluto ni Aquino ay corned beef at bacon para sa kanyang almusal, habang adobo naman para sa tanghalian.
Si Aquino, ika-15 pangulo ng Pilipinas ay namatay dahil sa renal failure secondary to diabetes noong Hunyo 24.
- Latest