'Ipakukulong ko kayo': Duterte binantaan mga ayaw pabakuna vs COVID-19
MANILA, Philippines (Updated 12:44 p.m.) — "Bakuna o kulong" — 'yan ang banta ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bahagi ng populasyon na ayaw paw ring magpaturok laban sa coronavirus disease (COVID-19) kahit pwede naman.
Matatandaang 60% ng mga Pilipino sa isang Pulse Asia survey noong Marso ang nagsabing ayaw nilang magpabakuna laban sa COVID-19, kahit na nakamamatay ang naturang virus.
"If you are a... person na hindi ka vaccinated, you are... a potential carrier [of COVID-19]... and to protect the people, I have to sequester you in jail," wika ni Digong, Lunes ng gabi.
"Mamili kayo: magpabakuna kayo o ipakulong ko kayo sa selda?"
Wala pa namang komento ang Department of Health at si Philippine National Police spokesperson Brig. Gen. Ronnie Olay kung sang-ayon sila sa banta ni Duterte.
Wika ng kontrobersyal na pangulo, uutusan niya ang lahat ng mga barangay captain na gumawa ng listahan ng mga tumatanggi sa bakuna.
DOH: Ilagay natin sa konteksto...
Ayon naman kay Health Undersecreatary Mryna Cabotaje, malamang sa malamang ay nasabi lang ito ni Duterte para idiin kung gaano kahalaga ang immunization upang wakasan ang pandemya.
"I think ilagay natin sa konteksto. Ang ating bakuna ay free and prior informed consent... I think it is borne out of the passion and the need of the president to emphasize the point na kailangan magbakuna to help us move on para maproteksyunan ang one another," ani Cabotaje sa Laging Handa briefing kanina.
"I think that is the context na kailangan nating tingnan sa pronouncement ng presidente."
Hindi pa naman sumasagot si Philippine National Police spokesperson Brig. Gen. Ronnie Olay sa panayam ng Philstar.com kung sang-ayon sila sa banta ni Duterte, o kung sisimulan na nila ang pang-aaresto.
Sa huling taya ng gobyerno nitong Linggo, nasa 6.2 milyon pa lang ang nabibigyan ng first dose ng kanilang COVID-19 vaccine. Mas maliit lalo ang nakakakumpleto ng dalawang doses, na nasa 2,153,942.
Sa 108 milyong populasyon ng Pilipinas ayon sa World Bank, mahigit-kumulang 1.9% pa lang ang fully vaccinated.
Matatandaang napilitang ibalik ng Manila local government unit (LGU) ang walk-in vaccinations sa lungsod matapos hindi sumipot sa scheduled vaccination ang 23,200 sa 28,000.
"I am just exasperated by, you know, Filipinos not heeding the government. Eh tutal tayo dito wala naman tayong hangarin kung ‘di kabutihan ng ating bayan," dagdag ni Duterte.
"So that 40 percent, hanapin ninyo ‘yan. Kayong mga barangay captains, I’ll task the DILG to do that, to look for these persons and... Kung hindi, I will order their arrest, sa totoo lang."
Umabot na sa 1,359,015 na ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Lunes. Sa bilang na 'yan, 23,621 na ang patay, ayon sa DOH. — James Relativo
- Latest
- Trending