Matapos ang 1Sambayan nomination, Chel Diokno tiniyak pagtakbo sa 2022
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Free Legal Assistance Group chairperson Chel Diokno na tatakbo para sa darating na halalan sa susunod na taon.
Gayunpaman, hindi pa niya masabi sa ngayon kung para saang posisyon. Matatandaang kasama siya sa shortlist ng 1Sambayan opposition coalition na sinusubukang patakbuhin sa pagkapresidente o bise sa 2022.
"Yes, to be clear: I will run in 2022. It's difficult now to make a final decision about what position, and I never aspired for President or VP, which 1Sambayan has nominated me for," wika ni Diokno, Miyerkules.
"But I think it's important that ordinary Filipinos and the youth have a voice."
Kasama sa anim na ninonomina ngayon ng 1Sambayan bilang standard bearers ng oposisyon sina Bise Presidente Leni Robredo, dating Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Grace Poe, Rep. Eddie Villanueva (CIBAC Party-list) at Rep. Vilma Santos-Recto (Batangas).
Taong 2019 nang tumakbo para sa pagkasenador si Diokno sa ilalim ng oposisyong Otso Diretso, bagay na binubuo ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kasamaang palad, wala ni isa sa kanila ang nanalo.
"Our justice system is not gonna get fixed unless people in power see the problem and do something about it," dagdag pa ni Diokno.
"I've been a lawyer for three decades, everyday I work on my Free Legal Helpdesk, and I've seen it firsthand. I know how we should fix our justice system."
'Winnability' ng oposisyon
Una nang sinabi ng UP polical science Prof. Rogelio Alicor Panao na dapat umigpaw ang 1Sambayan sa pagiging "anti-Duterte lang" kung nais nilang magwagi sa 2022. Aniya, pagtutulak ng mga makabuluhang polisiya ang dapat nilang gawin sa ngayon.
Halos ganyan din naman ang naging mensahe ni UP Prof. Herman Kraft, na chair ng parehong departamento: "The obvious lesson from then was that the Otso Diretso campaigned on a message that was really about opposing President Duterte. President Duterte did not run. Again, this would be the same scenario in the next elections," sabi niya.
Ayon naman kay Sen. Francis "Kiko" Pangilinan, na presidente ng Liberal Party, dapat magkaisa sa iisang opposition candidate ang mga kritiko ni Duterte kung nais malansag ang administrasyon.
Sa panig ng administrasyon, una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ilan sa pinagpipilian ngayon ni Digong humalili sa kanyang pwesto sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, Sen. Christopher Go at dating Sen. Bongbong Marcos.
Kasalukuyan pa ring kinukumbinsi ng ruling PDP-Laban si Digong na tumakbo para sa pagkabise sa 2022, bagay na tinatawag ng ilan bilang pag-ikot sa pagbabawal ng 1987 Constitution sa pagtakbong muli sa panguluhan.
- Latest