8 punong baranggay, kinasuhan sa 'super spreader' gatherings
MANILA, Philippines — Kasunod ng "maluwag" na paggampan sa katungkulan bilang kapitan de baranggay na dumulo sa mass gatherings sa gitna ng COVID-19 pandemic, haharap sa kaso ang walong lokal na opisyal, ayon sa Department of the Interior and Local Government.
Ang anunsyo ay inilabas ni Interior Secretary Eduardo Año matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapaaresto sa mga kapitang bigong pigilan ang "super spreader" activities na dudulo sa malawakang hawaan ng COVID-19.
Kasama sa mga punong baranggay na inirereklamo sina:
- Romeo Rivera (Barangay 171, District II, Caloocan City)
- Ernan Perez (Barangay San Jose, Navotas City)
- Facipico Jeronimo at Jaime Laurente (Barangay 181 at 182 sa Gagalangin, Tondo, Manila)
- Marcial Lucas Palad (Barangay Matiktik, Norzagaray, Bulacan)
- Jason Talipan at Jimmy Solano (Barangay Balabag, Boracay Island at Barangay Sambiray, Malay, Aklan)
- Jessica Cadungong (Barangay Kamputhaw, Cebu City)
Nasasakupan nina Jeronimo at Laurente ang pinagganapan ng boxing match sa Tondo noong Mayo, kung saan nagkumpulan ang mga tao at halos walang nakasuot na face masks.
Responsibilidad naman ni Rivera ang kontrobersyal na Gubat sa Ciudad Resort, kung saan hinayaang lumangoy magkakasama ang laksa-laksang tao kahit modified general community quarantine pa noon sa Metro Manila. Ilalagay din sa 60-day preventive suspension si Rivera kaugnay ng naturang isyu.
"[E]ight PBs will be charged for failing to implement quarantine protocols leading to further COVID-19 transmissions in super spreader events. Isa itong paalala sa mga pinuno ng ating mga barangay na tayo ay seryoso sa ating kampanya laban sa pagsugpo sa pandemyang ito," ani Año, Miyerkules.
"Likewise, we will not turn a blind eye on this negligence na lalo pang nagpapalala ng ating sitwasyon kontra COVID-19."
Anong kaso nila?
Haharap tuloy ang mga sumusunod sa mga reklamong:
- gross neglect of duty
- negligence
- serious misconduct
- paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act
Paliwanag ng DILG, may mga kaso ng COVID-19 na naitala mula sa mga iligal na aktibidad na naganap sa mga lugar na kanilang nasasakupan. Hindi raw dapat ito pinalalampas dahil baka gayahin pa ito ng ibang baranggay sa bansa.
Nangyayari ang lahat ng ito ngayong umabot na sa 1,286,217 ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na mula sa mga 'yan ang nasa 22,190 katao.
Paglabag sa public health protocols
Simula Ika-31 ng Mayo hanggang ika-6 ng Hunyo, pumalo na sa 64,000 ang naitatalang paglabag sa community health protocols laban sa nakamamatay na virus.
Kasama sa mga riyan ang 50,021 hindi nagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar, bagay na dumulo sa:
- 28,087 warnings
- 17,395 multa
- 3,413 community service
- 1,126 pag-aresto (for regular filing of cases and inquest proceedings)
Bukod pa riyan, merong naitalang 13,882 paglabag sa physical distancing at 613 kaso ng mass gatherings.
"These are still huge numbers considering that we are in this COVID-19 pandemic for more than a year now. Paalala pa rin natin sa ating mga kababayan na sumunod sa [MPHS] para din po ito sa inyong kaligtasan at kalusugan," ani Interior Secretary Jonathan Malaya.
"Hindi din naman po tayo magsasawang manghuli ng mga lumalabag sa MPHS kaya pakiusap po makiisa tayo."
Ngayong araw lang nang sabihin ng Department of Health na hindi pa maituturing na "COVID-19 epicenter" ang Davao City, matapos nitong makapagtala ng pinakamatataas na COVID-19 infections sa bansa nitong mga nagdaang araw.
- Latest