Kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, humataw na sa halos 1.3 milyon
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health ng 5,462 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Miyerkules, kung kaya't nasa 1,286,217 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,286,217
- Nagpapagaling pa: 54,000, o 4.2% ng total infections
- Kagagaling lang: 7,854, dahilan para maging 1,210,027 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 126, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 22,190
Anong bago ngayong araw?
-
Itinanggi ng DOH na epicenter na ng COVID-19 infection ang Lungsod ng Davao, matapos maitala ang pinakamatataas na bilang ng hawaan nitong mga nakaraang araw. Kamakailan lang kasi nang sabihin ng OCTA Research group na naungusan na ng Davao ang Quezon City pagdating sa bilang ng arawang hawaan.
-
Kaugnay ng biglaang pagsipa ng mga kaso sa Davao, South Cotabato, general Santos City at Cotabato City, nananawagan ngayon si OCTA Research fellow Guido David sa gobyerno na magpadala ng dagdag ng manggagawang pangkalusugan at kagamitan sa Mindanao lalo na't "baka tumagal ng isang buwan" ang increase.
-
Ibinaba rin ng Estados Unidos ang travel advisory na inanunsyo nito sa Pilipinas mula sa Level 4 (pinakamataas na antas) patungong Level 3, bagay na ipinataw noong Abril dahil sa taas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
-
Aabot sa 3.2 milyon pang doses ng COVID-19 vaccine ang darating sa Huwebes, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. Kabilang diyan ang 2.2 milyong Pfizer jabs mula sa COVAX facility at karagdagang 1 milyong bakuna mula sa kumpanyang Sinovac.
-
Sinampahan na rin ng reklamo sa Mandaluyong City Prosecutor's Office ang dalawang lalaking nasa likod diumano ng pagbebenta ng COVID-19 vaccine at vaccination solits, ayon sa pahayag ng Philippine National Police kanina.
-
Pansamantalang suspendido ang pagtuturok ng first dose ng COVID-19 vaccine sa Lungsod ng Marikina ngayong araw dahil sa limitadong suplay ng gamot. Gayunpaman, meron silang mangilan-ngilang inasikaso para makapagturok ng ikalawang dose.
-
Umabot na sa 173.33 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit 3.73 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest