FDA: Pfizer COVID-19 vaccines 'papayagan na sa mga 12-anyos this week'
MANILA, Philippines (Updated 2:07 p.m.) — Planong irebisa ng Food and Drug Administration (FDA) ang edad ng mga pwedeng mabakunahan ng coronavirus disease (COVID-19) vaccines ng kumpanyang Pfizer-BioNTech, bagay na lalong magpapahintulot sa paggamit nito sa mga bata.
Ito ang sinabi ni FDA director general Eric Domingo sa katatapos lang na Talk to The People Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, Miyerkules ng gabi.
Dumating ang kumpirmasyon ni Domingo matapos itong i-authorize ng FDA ng Estados Unidos (USFDA) para sa mga batang 12-15 taong gulang.
"[W]ithin the week po, we will be issuing an amendment to the emergency use authorization of Pfizer and it... we will be able to use it in children 12 to 15-year-olds," ani Domingo kagabi.
"So 'pag dumating po 'yong maraming in-order ni [vaccine czar Carlito Galvez Jr.] na mga Pfizer, maaari na po itong gamitin sa mga batang 12 to 15-year-olds."
Kasalukuyan na itong ginagamit sa mga bata sa Amerika. At nang i-evaluate ito ng mga eksperto ng Pilipinas, lumalabas na "napakapaborable" ng mga rekomendasyon ng mga lokal na dalubhasa.
Sa aprubadong EUA ng Pfizer ngayon sa Pilipinas, tanging 16-anyos pataas lamang ang pwedeng turukan ng nasabing bakuna laban sa COVID-19.
Inanunsyo ang planong pagrerebisa sa EUA ng Pfizer mahigit isang linggo nang magpulong ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) pagdating sa pagbabakuna ng COVID-19 vaccines sa mga estudyante, bagay na magpapabilis sa face-to-face classes, ayon kay Commission on Higher Education Prospero de Vera.
Sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa 1,193,976 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na ang 20,169 sa kanila sa kasamaang-palad.
Hindi pa agad-agad tuturukan, i-prayoridad
Sa kabila ng napipintong pagrerebisa ng EUA ng Pfizer, inilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi ito nangangahulugang mapapabilis ang COVID-19 vaccination ng mga chikiting.
"Pero dapat linawin natin na dahil kulang pa ang bakuna, at hindi naman sila kasama doon sa tinatawag nating high-risk, hindi muna natin sila pwedeng isama sa ngayon [sa babakunahan]," ani Duque kanina sa Laging Handa briefing.
"Dahil kulang na nga tayo, dapat ay talagang itulak natin ang mabilisang bakunahan para sa mga senior citizens, A2 at A3."
Pagdating sa mga A1 (healthcare workers), umabot na ang mga nakakapagpabakuna sa 83-85% para sa unang dose, habang 37% sa kanila ang meron nang kumpletong vaccination.
Labis namang mas matataas ang mga pigura kung titignan ang mga manggagawang pangkalusugan na nakunahan ng first dose, na nasa 95-97%, habang 51% naman para sa may kumpletong second dose.
Umabot na sa halos 4.5 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang naituturok sa Pilipinas as of May 25, bagay na inilabas ng DOH kanina. — James Relativo
- Latest