Duterte 'hindi iaatras' 2 barko sa WPS kahit friendship sa Tsina masira, diumano
MANILA, Philippines — Kahit na ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ng digmaan laban sa Tsina, naninindigan siyang hindi paaalisin ang mga barko ng Pilipinas na naglalagi sa West Philippine Sea at mga island inaangkin ng bansa — bagay na ayaw tantanan ng Beijing magpahanggang sa ngayon.
Galing ito sa isang pulong ni Digong nitong Huwebes na ngayong Biyernes lang in-ere sa state media.
"I'd like to put notice on sa China. May dalawang barko ako riyan, Philippine government sa [West Philippine Sea]... I am not ready to withdraw [my ships]. I do not want a quarrel, I do not want trouble, I respect your position, and you respect mine. But we will not go to war," ani Duterte.
"Ngayon hindi talaga ako aatras. Patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan... I die there, we die there, we die."
Binanggit ito ni Digong kahit una na niyang sinabing "joke lang" noong 2016 presidential campaign ang pangakong mag-jet ski papuntang Scarborough Shoal para mangompronta ng mga nagmamatigas na Tsino, "patayin man" siya. Tinawag pa niyang "estupido" ang mga naniwala sa kanyang biro.
Ang tinutukoy niyang mga barko ay yaong mga paikot-ikot sa Kalayaan Group of Islands hanggang sa Panganiban (Mischief) Reef, na parehong inaangkin ng Pilipinas. Ang nauna ay okupado ng mga Pilipinong taga-Palawan habang ang ikalawa ay 130 nautical miles lang mula Palawan — pasok sa 200 exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ani Defense Secretary Delfin Lorenzana, naroon ang mga nasabing sasakyang pandagat lalo na't maraming shoal sa mga nasabing erya na hitik sa likas-yaman, bagay na Pilipinas lang ang may karapatan kung titignan ang 2016 arbitral ruling.
Una nang nabatikos si Duterte sa kanyang diumano'y malambot na paghawak sa iringan sa Tsina, lalo na't kaibigan niya si Chinese President Xi Jinping. Dati nang sinabi ni Digong na "malaki ang utang na loob" ng Pilipinas sa Tsina dahil sa mga donasyon nitong COVID-19 vaccines sa bansa sa gitna ng agawan at harangan sa laot.
'Inferior naman talaga tayo sa pwersa'
Wika pa ni Duterte, wala naman daw masama kung aaminin ng Pilipinas na mas mahina ito pagdating sa pwersang militar laban sa Tsina, pero sana'y 'wag naman daw nitong insultuhin ang Pilipinas.
Ilang araw pa lang nang iulat gobyerno na nasa 287 Chinese militia ships ang natagpuang pakalat-kalat sa West Philippine Sea.
"[I]t's not wrong to admit ng inferior ka in terms of might and power. Hindi naman masama mag-prangka ka na ito lang talaga ang kaya ko, pero 'wag mo naman ako hiyain," dagdag pa ni Duterte.
Taong 2015 lang nang i-rank ng Credit Suisse ang People's Liberation Army ng Tsina bilang ikatlong pinakamalakas na militar sa buong mundo.
Sa kabila ng lahat ng ito, ipinatitigil ni Sen. Risa Hontiveros si Duterte pagdating sa aniya'y palasukong mga posisyon ng administrasyon pagdating sa girian sa South China Sea.
"Bakit kung makapagsalita sila sa Palasyo ay para na silang mga talunan? Bawiin nila dapat yan dahil China lang ang nasisiyahan at nakikinabang sa mga pahayag na ganyan. Kaya siguro hindi mahikayat umalis yung higit 200 na mga barkong nagkalat sa WPS dahil naririnig yang mga sinasabi ng Palasyo," ani Hontiveros kanina.
"Hindi pwedeng iba-iba at bara-bara ang posisyon at aksyon natin. We are trying to assert our claim against a rising regional power that has never wavered in its irreverence for basic courtesy and international law. We must show a united front against the threats of China."
- Latest