Local experts nakitaan ng 'theoretical basis' pagtuturok ng magkaibang COVID-19 vaccine brands
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health na nagbabalangkas na sila ng "guidelines" pagdating sa pagtuturok ng dalawang magkaibang brands ng coronavirus disease (COVID-19) vaccines — bagay na nakikitaan na raw ng batayan ng ilang mga eksperto.
Ito ang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos mabanggit ng Food and Drug Administration na binubuo na ito, bagay na magreresulta raw sa isang memorandum order.
Aniya, Huwebes ng gabi nang makipagpulong ang DOH sa Department of Science and Technology at vaccine experts panel para pag-usapan kung paano nila kahaharapin ang isyu.
"So ang pag-uusap po natin... may mga ebidensya na tinitignan, scientific evidence at that. The vaccine expert panel was there also in that meeting, kung saan nagpakita po sila ng mga datos," paliwanag ni Vergeire kanina.
"Sa ngayon, ang masasabi lang ho natin, ang atin pong mga eksperto ano, ay kumakalap ng mga tamang impormasyon, and they are saying there is theoretical basis [in mixing different vaccine brands. But that is still theoretical."
Ika-25 ng Abril nang magbabala si Health Undersecretary Leopoldo Vega pagdating sa pagtuturok ng magkaibang vaccine brands sa iisang tao laban sa COVID-19. Aniya, wala itong katiyakan at hindi pa dumadaan sa sapat na pag-aaral.
Halos lahat ng mga bakuna ngayon laban sa COVID-19 (maliban sa gawa ng Johnson & Johnson) ay nangangailangan ng dalawang dose para maibigay ang kumpletong proteksyon laban sa nakamamatay na virus.
Kung mapapatunayang mabisa, mas mabilis na makukumpleto ng mga tao ang kanilang COVID-19 immunization, lalo na kung kulang o wala pa uling supply ng brand na unang naiturok.
'Paghahalo' ng bakuna sa UK pa lang ginagawa
Sa ngayon, tanging United Kingdom pa lang ang naghahalo ng magkakaibang brand ng COVID-19 vaccines para sa mga tao gamit ang kanilang Com-Cov study, bagay na nais daw paghalawan ng aral ng DOH.
"Base po doon sa pag-uusap na 'yon, napag-alaman po natin that there is just one country for now which is trying, doing a trial, on this mixing of vaccine," dagdag pa ni Vergeire kanina.
"So titignan po natin 'yung experience ng ibang bansa ukol dito, kung ano man po ang mai-publish nila based on the results of their study para maisama po sa pinag-aaralan. Tayo rin po magkakaroon ng ganitong pag-aaral, para kung sakali magkakaroon tayo ng kasagutan dito sa question na ito if we can really mix vaccines."
Balak daw itong pag-aralan nang maigi para malaman kung katanggap-tanggap, ligtas at magiging mabisa laban sa virus ang ganitong proseso ng immunization.
Sa huling ulat ng Kagawaran ng Kalusugan nitong Huwebes, umabot na sa 1,080,172 ang tinatamaan ng COVID-19 asa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 17,991.
- Latest