^

Bansa

DND dinepensahan si Duterte sa 'itapon ang 2016 West Philippine Sea ruling' remark

James Relativo - Philstar.com
DND dinepensahan si Duterte sa 'itapon ang 2016 West Philippine Sea ruling' remark
Sa April 13, 2021 photo na ito, nilalagpasan ng Philippine coast guard personnel ang ilang Chinese vessels habang nagpapatrolyo sa sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
PCG/Released

MANILA, Philippines — Pinalakpakan ng Department of National Defense (DND) ang komento ni Pangulong Rodrigo Duterte na direktang nagmamaliit sa pagkapanalo ng Pilipinas sa soberanyang karapatan laban sa Tsina — kahit trabaho nilang protektahan ang bansa sa anumang pananakop.

Miyerkules kasi nang sabihin ni Digong ang mga sumusunod pagdating sa 2016 arbitral award ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa West Philippine Sea kontra Tsina:

"Tayo nanalo. Ngayon pagdating ko ang barko nandiyan sa West Philippine Sea, China boat, ship, tayo wala na. Tapos sabi nila itong papel na sa kaso nanalo tayo i-pursue mo. Pinursue (pursue) ko, walang nangyari... Actually in — sa usapang bugoy, sabihin ko sa iyo ibigay mo sa’kin, sabihin ko sa’yo p***** i**, papel lang ‘yan. Itatapon ko ‘yan sa wastebasket."

Sa ulat ng ABS-CBN news, ipinaabot ni DND director Arsenio Andolong ang pagsang-ayon dito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana. Aniya, hindi naman daw kasi ito magagamit para bitawan ng Tsina ang kontrol sa maraming bahagi ng West Philippine Sea at features doon.

Gayunpaman, gagawin pa rin naman daw ng gobyerno ang makakaya para magpatrolya sa matensyong karagatan.

"There is no international law enforcement body that can enforce [the arbitral ruling]. However, even without the PCA ruling, we will continue to defend what is rightfully ours," ani Lorenzana, Huwebes.

"The President’s orders have been firm and straightforward — we defend what is rightfully ours without going to war and maintain the peace in the seas."

Kamakailan lang nang pagmumurahin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ang Tsina dahil sa patuloy na panggigipit at pananatili ng maraming Chinese fishing vessels at maritime militia sa EEZ ng Maynila. Gayunpaman, nagpaumanhin din siya.

Pananaw 'daw' ng Tsina, hindi ni Digong

Mabilis ding ipinagtanggol ni presidential spokesperson Harry Roque kanina ang mga pahayag ni Duterte kagabi, habang sinasabing ang Beijing ang nagtatapon ng nasabing desisyon at hindi si Duterte.

"Ang konteksto ng sinabi ni presidente, it's as far as China is concerned... 'yan ang perspektibo ng Tsina. Papel lang itatapon sa wastebasket," sambit ni Roque kanina.

"Kahit papaano, kahit sabihin ng mga Tsino na binabalewala 'yan, the fact na nakakangisda uli ang mga mangingisda sa Scarborough na kabahagi ng arbitral award, eh talagang nagpapakita na kahit papaano, ang Tsina ay sumusunod sa ganyang arbitral award."

Dagdag pa niya, hindi rin magagamit ang pag-aaward ng EEZ sa Maynila ng PCA dahil pang-"maritime waters" lang ito at hindi sakop ang agawan ng mga isla. Gayunpaman, pinanindigan naman daw ni Duterte sa UN General Assembly na isusulong ang napalanunan.

Sa pananaw ng Malacañang, tanging sa "security council" sa chapter 7 ng United Nations council ito pwedeng maipatupad. Pero para maaprubahan ang paggamit ng pwersa nang ligal, dapat din daw bumoto ang Tsina rito. Sa kasamaang palad, may veto powers daw ang Beijing.

Ilang beses nang sinabi ng ilang legal experts gaya nina Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and the Law of the Sea, na hindi naman kailangang mauwi ang pagtatanggol ng West Philippine Sea sa gera.

Makabayan: Hindi ugali ng matinong lider 'yan

Pinulaan naman ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamar sa isang press briefing ang mga pahayag na ito ni Duterte, lalo na't tila "malambot" ang paghawak niya sa isyu dahil sa ibinibigay na COVID-19 vaccines ng Tsina sa bansa.

"Ayon sa international tribunal court of arbitration, ang Pilipinas ang may jurisdiction sa West Philippine Sea. Ang paninisi sa mga dating opisyal na nakipaglaban dito ay hindi ugali ng matinong lider," ani Cullamat.

"Ang dapat na ginawa ni Pangulong Duterte ay manindigan... sa karapatang ito na ipinagtibay ng international court. Ang pangulo ay dapat manindigan sa soberanya at dumepensa sa kasarinlan ng Pilipinas."

 

vuukle comment

BAYAN MUNA PARTY-LIST

CHINA

DELFIN LORENZANA

DEPARTMENT OF NATIONAL DEFENSE

HARRY ROQUE

RODRIGO DUTERTE

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with