MANILA, Philippines — Muling iiksian ang umiiral na curfew sa Metro Manila sa gitna ng umiiral na mga community quarantine at lockdowns sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) situation ng bansa.
Ito ang kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos malagdaan ang Resolution 21-09 Series of 2021 na ipinasa ng Metro Manila Council (MMC), bagay na epektibo simula ika-1 ng Mayo.
Related Stories
Dahil diyan, 10 p.m. hanggang 4 a.m. na lang ang unified curfew hours simula Sabado. Mas maiksi ito sa National Capital Region curfew na ipinatupad noong ika-12 ng Abril (8 p.m. to 5 a.m.).
"All local chief executives in Metro Manila have agreed to enact their respective Executive Orders and/or adopt their respective Ordinances for the proper implementation of the standardized and unified curfew hours," ani MMDA chair Benhur Abalos, Miyerkules.
Simula Sabado, Mayo 1, ay ipatutupad ang unified curfew hours sa Metro Manila mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga. Base ito sa inaprubahang MMDA Resolution No. 21-09 Series of 2021 na aprubado ng lahat ng Metro Manila mayors, ani Chairman Benhur Abalos. #mmda pic.twitter.com/QKq6x146Cp
— Official MMDA (@MMDA) April 28, 2021
Nilagdaan at inaprubahan ang resolusyon ng 17 alkalde mula sa mga lungsod at bayan sa Metro Manila noon pang ika-27 ng Abril.
Ang konseho, na binubuo ng 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila, ang governing at policy-making body ng MMDA.
Bagong NCR quartantine classifications
Kanina lang din nang sabihin ni Abalos na susunod lang kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro manila mayors oras na mag-anunsyo siya ng panibagong quarantine classifications, bagay na tinatayang isapubliko ngayong gabi kasabay ng regular na "Talk to the People" address.
Bagama't hindi pa sinasabi kung ano ang mismong rekomendasyon ng MMC kay Digong, ito raw ang tatlong pinagbotohan ng konseho:
- enhanced community quarantine (ECQ)
- modified ECQ (MECQ)
- "flex" o "hybrid" MECQ
Anuman ang mapagdesisyunan ni Duterte, pakiusap lang nilang sana'y hindi mapunta sa wala ang mga "tagumpay" ng istriktong ECQ at MECQ.
Kasalukuyang nasa MECQ ang Metro Manila kasama ang apat pang probinsya (Rizal, Laguna, Bulacan at Cavite), at tinawag ngayong NCR Plus Bubble. Nakatakdang magtapos ang MECQ sa NCR Plus sa Biyernes.
Flex MECQ? Nge, ano 'yun?
Aniya, si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire raw ang nagmungkahi ng "flex" MECQ para mapagaan ang pasanin ng mga manggagawang pangkalusugan kasabay ng pagbubukas ng mas maraming sektor ng ekonomiya.
"Hybrid MECQ is intended to allay the fear of health workers for a possible surge again. That's why we want to do it gradually. By opening some businesses, we are also addressing the dilemma and hunger of those who lost their jobs," patuloy ni Abalos.
"The recommendation was based on data presented by health experts and also from NEDA as presented by Sec. Karl Chua. Through hybrid MECQ, we are hitting the middle ground. There will still be strict border controls to avoid transmission, but at the same time there will also be additional economic activities."
Kasalukuyang nasa 1.01 milyon na ang tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 16,916 na ang patay, ayon sa Department of Health nitong Martes. — may mga ulat mula kay Franco Luna