Loyalty check sa militar hindi kailangan – Palasyo
MANILA, Philippines — Hindi na kailangang magsagawa ng loyalty check sa militar sa gitna ng napaulat na balak na pagbawi ng suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte ng ilang retirado at aktibong opisyal.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi na kailangan ang loyalty check lalo pa’t itinanggi na ng matataas na opisyal ng militar ang alegasyon.
Nagsalita na rin umano ang Pangulo sa isyu at nakahanda itong bumaba sa puwesto at bumalik sa Davao kung ayaw na sa kanya ng militar.
“Kung tumindig lang ang Air Force head, ang Navy, Army, pati Police, kung tumindig kayo ngayon, aalis ako pagka-mayor. Uuwi ako sa ano. Ibig kong sabihin, I do not have the support of the military and so --- ganoon lang kasimple,” ani Duterte sa gitna ng ugong na may grupo ng militar na nagbabalak bawiin ang suporta sa kanya.
Sinabi rin ng Pangulo na sa tingin niya ay hindi kasali sa mga nag-iisip na magkaroon ng revolutionary government si Defense Secretary Delfin Lorenzana na katulad niya ay matanda na rin.
Inamin ng Pangulo kamakalawa ng gabi na siya ay “downhearted” nang malaman ang tungkol sa tsismis na may nagbabalak na mag-withdraw ng suporta sa kanya.
- Latest