QC LGU tiniyak kaligtasan ng community pantries matapos ang 'red-tagging,' 'profiling'
MANILA, Philippines — Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na mananatiling ligtas at hindi gagambalain ng mga pwersa ng kapulisan ang community pantries na itinayo sa lungsod sa gitna ng kagutumang dala ng kakulangang ayuda sa gitna ng lockdown.
Ito ang sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte, Martes, matapos aniya iugnay sa mga rebeldeng komunista at pinagkukuha ang personal na impormasyon ng ilan sa mga organizers ng Maginhawa Community Pantry gaya ni Ana Patricia Non.
"I would like to personally assure Ms. Ana Patricia Non and other like-minded individuals that the local government of Quezon City fully supports Community Pantries," wika ng alkalde ngayong araw.
"Indeed, these initiatives highlight the bayanihan spirit inherent in our QCitizens. The city government will therefore ensure that the organizers and beneficiaries of Community Pantries remain safe and unimpeded."
STATEMENT OF QUEZON CITY MAYOR JOY BELMONTE
— Quezon City Government (@QCGov) April 20, 2021
I would like to personally assure Ms. Ana Patricia Non and other like-minded individuals that the local government of Quezon City fully supports Community Pantries. pic.twitter.com/LSWcdwwMWJ
Kinundena na rin ng Bayan Muna party-list, Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at iba pang mga grupo ang insidente, habang pinapapaspasan ang pamamahagi ng ayuda sa 22.9 milyong Pilipino sa gitna ng lockdowns.
Binanatan din ni dating Bise Presidente Jejomar Binay ang nasabing mga atake sa mga volunteers, na nagbibigay lang ng mga pagkain sa ngayon.
Takot ba ang gobyerno sa libreng gulay?
— Jejomar C. Binay (@JojoCBinay) April 20, 2021
Is the government so threatened by the idea of people sharing what they have with the poor and hungry that it is now harassing and red-tagging community pantries?
Kung sapat ang ayuda, wala sanang community pantries. 1/2
Matatandaang nagsulputan ang mga nasabing pantries sa buong Pilipinas para mamigay ng libreng pagkain habang nag-aantay ng ayuda ang mga residenteng lubhang nagugutom at nawalan ng trabaho sa gitna ng community quarantine laban sa COVID-19.
Tanging 40% pa lang ng ayuda ang naibibigay sa Metro Manila ayon sa huling balita ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
NTF-ELCAC: Oo, chine-check namin sila
Aminado naman ang pamunuan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na minamanmanan nila ang mga nagpapatakbo ng mga nasabing grupo, lalo na't pinatatakbo raw ang ilan ng mga nasa Kaliwa "para magpropaganda."
Ito ay kahit hindi naman iligal maging aktibista o kahit maging komunista, alinsunod sa Saligang Batas.
"We're just checking itong background ng mga 'to. Yes, chini-check 'yan," ani NTF-ELCAC spokerperson Lt. Gen. Antonio Parlade sa panayam kanina ng dzBB.
"Habang nandoon sila sa community, meron silang propaganda na ginagawa. May sinasabi silang gutom ang mga tao dahil sa kapalpakan ng gobyerno, kung anu-ano pa."
Una nang nagpost ang Quezon City Police Department (QCPD) at NTF-ELCAC ng mga materyal na nag-uugnay sa mga nasabing community efforts sa New People's Army, Communist Party of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines.
Tinanggal na ng QCPD ang kanilang paskil ngunit makikita pa rin ito sa NTF-ELCAC Facebook page. Kanina lang nang sabihin ni Philippine National Police chief Delbold Sinas na wala silang utos sa kapulisan para i-profile ang mga community pantry organizers.
"I have requested QCPD District Director Brigadier General Antonio Yarra to conduct an investigation regarding Ms. Non's apprehensions and earlier experiences," patuloy pa ni Belmonte sa statement.
"I will likewise meet with Station 9 Commander Police LtCol, Imelda Reyes, under which jurisdiction Maginhawa falls, to further discuss Miss Non’s security concerns." — James Relativo
--
Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.
- Latest