Libreng sakay sa health workers, APORs gawing nationwide – DOTr
MANILA, Philippines — Ipinag-utos kahapon ni Transportation Secretary Arthur P. Tugade ang nationwide implementation ng kanilang Free Ride Service Program para sa mga Health Workers at Authorized Persons Outside Residence (APORs).
Inatasan ni Tugade ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawakin pa ang pagpapatupad ng Free Ride Service, hindi lamang sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa, ano man ang umiiral na community quarantine level doon.
Ayon kay Tugade, layunin ng programa na matulungan ang mga essential workers na makarating sa kanilang destinasyon ng ligtas nang hindi na sila gagastos pa.
Ipatutupad aniya ang Free Ride Service for Health Workers and APORs hanggang sa panahong ang pondong inilaan ng Bayanihan to Recover As Once (Bayanihan II) para sa Service Contracting Program ay magamit nang lahat at ma-disbursed.
Sa datos ng DOTr, hanggang nitong Abril 12, 2021, ang Free Ride Program for Health Wor-kers ng pamahalaan ay nakapagtala na ng mahigit 2.2 milyong total ridership sa Metro Manila at sa iba’t ibang rehiyon, simula nang umpisahan nito ang kanilang operasyon noong Marso 18, 2020.
- Latest