DOH nakiusap sa COVID-19 testing centers: 'Wag magsara ngayong Holy Week
MANILA, Philippines — Umapela ang Department of Health sa mga healthcare laboratories na panatilihing bukas ang kanilang pintuan kahit Semana Santa, bagay na dapat daw magpatuloy sa pagseserbisyo lalo na't dumarami uli ang kaso ng coronavirus disease infections.
Ito ang paalala ni Maria Rosario Vergeire ngayong Miyerkules lalo na't kakaonti ang na-test para sa COVID-19 noong nakaraang Pasko't Bagong Taon dahil sa pagsasara ng ilang laboratoryo.
"Because of this increase in the number of cases that we are experiencing, we implore to all of our laboratories: Please do not close your laboratories because these are the holiday season," wika ni Vergeire sa isang media forum.
"Nagpalabas na po tayo ng memorandum to all out regional directors to make sure that there is continuity of operations in all our laboratories for this coming holidays, 'yung Holy Thursday, Good Friday, Black Saturday and Easter Sunday."
Bakit mahalagang may laboratoryo kahit holiday?
Inilabas ni Vergeire ang paalala isang araw matapos pumalo sa 124,660 aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas — ang pinakamataas na bilang ng mga patuloy na papagaling sa virus simula nang pumasok ito sa bansa noong 2020.
Ika-12 ng Enero nang sabihin ng DOH na natapyasan ng 30% ang laboratory outputs — o datos na naproproseso ng mga pasilidad — noong Kapaskuhan at Bagong Taon lalo na't kumonti ang mga nagpapakonsulta at panahong yaon.
Dalawang linggo matapos ang Bagong Taon, inamin ng ni presiential spokesperson Harry Roque sa isang online briefing na nagkaroon ng biglaang pagtalon sa COVID-19 cases matapos ang mga okasyon.
"Kailangan lang po tayong bukas para magkaroon pa rin tayo ng tuluy-tuloy na pagmomonitor ng kasong pumapasok," patuloy ni Vergeire.
Humihingi ngayon ng "timeout" ang biologist at paring si Nicanor Austriaco mula OCTA Research Group ngayong araw kaugnay ng mga panibagong pagtaas ng kaso, dahilan para suportahan nila ang isa pang linggo ng pinakamahigpit na enhanced community quarantine sa Metro Manila at apat na kalapit na probinsya.
Umabot na sa 741,181 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas ayon sa huling balita ng pamahalaan nitong Martes. Sa kasawiang palas, patay na ang 13,191 sa kanila.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Franco Luna
- Latest