11 sa 17 Metro Manila LGUs may COVID-19 variant na unang nakita sa UK
MANILA, Philippines — Napasok na ng mga mas nakahahawang coronavirus disease variants ang karamihan sa mga local government units ng National Capital Region, paglalahad ng Kagawaran ng Kalusugan sa media ngayong Biyernes.
Isiniwalat ito ng Department of Health kanina kasabay ng 4,578 new infections ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong araw — ang pinakamataas sa halos kalahating taon.
Basahin: Bagong hawa ng COVID-19 sa 'Pinas nasa 4,578, pinakamataas sa 180 araw
"Sa ngayon, meron tayong 11 cities sa NCR where we were able to detect the UK (B.1.1.7) variant," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media briefing kanina.
"At meron tayong pitong cities sa NCR na naka-detect tayo ng South African (B.1.351) variant."
7 NCR cities parehong may 'UK, South African' variants
Ayaw pa namang tukuyin ng DOH kung anu-ano ang mga espisipikong lungsod o munisipalidad na napasok ng dalawa.
Sinasabing ang variant na unang nadiskubre sa United Kingdom ay nakita sa 3.5% ng lahat ng samples na nasuri ng gobyerno, habang 5.5% sa lahat ng samples ang nakakitaan ng variant na nadiskubre sa South Africa.
"And we also have seven cities in NCR na both UK and South African variant are identified," patuloy pa ni Vergeire.
Masyado pa naman raw maaga para sabihing panay B.1.1.7 at B.1.351 ang mga bagong nagpopositibo ngayon sa COVID-19 sa punong rehiyon. Dagdag pa ng DOH, inaabot ng lima hanggang pitong araw bago lumabas ang mga resulta pero tuloy-tuloy pa rin ang sequencing ng Philippine Genome Center.
Eh ano kung dumami ito sa Metro Manila?
Parehong mas nakahahawa sa karaniwang COVID-19 ang dalawang variants. Gayunpaman, iniuugnay sa pagpapababa ng vaccine efficacy ang B.1.351.
Ikinakabit ngayon ni OCTA Research Group fellow Ranjit Rye ang panibagong COVID-19 surge sa mga mas nakahahawang variant. Hindi rin daw malabong umabot sa 3,000 ang arawang COVID-19 cases sa Metro Manila lang pagsapit ng ikatlo hanggang ikaapat na linggo ng Marso.
Metro Manila ang rehiyong may pinakamalaking ekonomiya sa Pilipinas kung gross regional domestic product gagamiting batayan, bagay na nasa 31.8% ayon sa October 2020 data.
Ilang beses nang sinabi ng gobyerno na hindi na kakayanin pa ang pagbabalik sa pinakamahihigpit na COVID-19 lockdowns dahil na rin sa pinsalang idinulot nito sa ekonomiya.
Tanging 11.2% o 114,615 pa lang sa mahigit 1 milyong masterlisted eligible population ang nababakunahan laban sa COVID-19. Kumakatawan ang datos na 'yan sa sumusunod:
- 101,827 (10%) nababakunahan ng CoronaVac ng Sinovac
- 12,788 (1.3%) nababakunahan ng AstraZenica
- Latest