Calbayog mayor kahit patay na, niratrat pa
Nakunan ng video, ayon sa solon
MANILA, Philippines — Nakunan pa ng vi-deo ang mga PNP operatives na binalikan at niratrat muli ang patay ng alkalde ng Calbayog City, Samar matapos na tambangan noong Lunes.
“Mabuti na lamang at naglalabasan ang mga videos na ebidensyang magpapatunay na inambush si Calbayog City Mayor Ro-nald Aquino,” pahayag ni 1st District Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento.
Ginawa ni Sarmiento ang pahayag bilang reaksyon sa sinabi ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na shootout ang pangyayari at ang mga bodyguard ni Aquino ang unang nagpaputok.
Ayon kay Sarmiento, sadyang inaabangan na umano ng mga pulis na naka-bonnet at armado ng M203 sa pagdaan ng behikulo ni Aquino sa Laboyao Bridge, Brgy. Lonoy, Calbayog City bago pa ito ratratin bandang alas-5:30 ng hapon habang patungo ang opisyal sa birthday ng anak.
Bukod kay Mayor Aquino, napatay din sina P/Sr. Staff Sergeant Rodio Sario, security ng alkalde; Dennis Abayon, driver ni Mayor; P/Captain Joselito Tabada, hepe ng Gandara, Samar; P/Staff Sergeant Romeo Laoyon at Clint John Paul Yauder, sibilyang tinamaan sa crossfire. Sugatan si Staff Sgt. Neil Matarum Cebu.
Sa nasabing insidente ay nasawi rin ang dalawang pulis matapos na mapilitang gumanti ng putok ang mga bodyguard ni Mayor.
Sabi pa ni Sarmiento, ang mga pulis na rumatrat sa alkalde ay nakatalaga sa Samar at dumayo lamang sa lugar.
Nitong Martes ay kinuwestiyon ni Sarmiento kung bakit naka-bonnet ang mga pulis at armado ng M203. Ang bonnet aniya ay ginagamit lamang ng mga kriminal.
- Latest