CDCP bill vs pandemya aprub sa Kamara
MANILA, Philippines — PInagtibay na sa House Committee on Health ang panukalang magtatag ng Center for Disease Control and Prevention (CDCP) na layong maging handa ang pamahalaan sa pagtugon sa krisis sa kalusugan sa hinaharap at matuto sa mga aral mula sa COVID-19 pandemic.
Ang House Bill (HB) 6096 ay iniakda ni 2nd District Albay Rep. Joey Salceda na may 167 mambabatas bilang co-author.
Matatandaan na sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2020, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sadyang kailangan ang pagtatatag ng CDCP para maging handa ang pamahalaan sa pandemya, maprotektahan ang buhay at patuloy na sumulong ang bansa sa gitna ng matitinding suliranin.
“Ang mga biglaang problema gaya ng pandemya ay maaaring magmula kahit saan at mangyari anumang oras, na hindi natin matiyak kung kailan, kaya kailangang maging handa,” paliwanag ni Salceda.
“Ang tagumpay ng Vietnam laban sa COVID-19 ay batay sa kaisipang ito kung saan maagap na naihiwalay ang ilang tiyak na nahawaan na at nilimitahan ang pagkilos ng mga posibleng taglay na ang virus ng sakit,” ayon pa sa solon.
- Latest