Malacañang itinangging kinukunsinti 'smuggled COVID-19 vaccines' sa pagtuturok kay Tulfo
MANILA, Philippines — Kasabay ng pag-amin ni special envoy to China Mon Tulfo na nagpaturok siya ng unregistered COVID-19 vaccine mula sa Sinopharm, muling itinanggi ng Palasyo na may polisiya ito ng pagkunsinti sa mga iligal na pagbabakuna.
Ito ay kahit sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque noong Disyembre na "walang iligal na ginawa" at "kahanga-hanga" ang Presidential Security Group (PSG) sa pagtuturok ng smuggled Sinopharm vaccines para maprotektahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa COVID-19.
Basahin: Pagturok ng unregistered COVID-19 vaccine sa mga tropa 'hindi iligal' — Roque
Kaugnay na balita: PSG 'handang makulong' sa smuggled vaccines basta Duterte COVID-free, ani Roque
"Wala pong ganyang polisiya [ng pagkunsinti sa smuggling], dahil kung meron pong ganyang polisiya, siguro commercial quantity na ang kumalat na mga bakuna na hindi naaprubahan," ani Roque, Miyerkules.
"Pero inaantay po talaga natin ang aksyon ng [Food and Drug Administration] sa mga bagay-bagay na ito."
Una nang sinabi nang sinabi ni Tulfo sa kanyang Manila Times column na magpapadala siya ng liham sa Chinese pharma company para makakuha ng Sinopharm vaccine para sa kanya at kanyang pamilya. Martes nang sabihin ni Roque na Sinopharm ang "prefer" niya kontra COVID-19 kahit wala pa itong EUA.
Kanina lang nang sabihin ng Department of Health (DOH) na maaaaring patawan ng parusa sina Tulfo — isang appointee ni Duterte — sampu ng mga nagpuslit ng bakuna sa Pilipinas dahil sa kawalan ng emergency use authorization (EUA).
Ayaw pa ring tukuyin ni Tulfo kung sino ang "kaibigan" niya na nag-smuggle ng Sinopharm vaccine sa Pilipinas, kahit na labag ito sa Republic Act 9711. Maliban pa 'yan sa mga Cabinet officials at senador na nagpaturok ngunit ayaw pangalanan.
Tulfo game magbitiw para maging distributor
Handa naman daw si Tulfo na bitiwan ang posisyon sa gobyerno oras na pahintulutang maging distributor ng Sinopharm sa Pilipinas, kanyang pagbabahagi sa TeleRadyo kanina.
"Yes, willing ako [bitiwan ang posisyon bilang special envoy kung magiging Sinopharm distributor]," wika ni Tulfo, na kilala rin para sa kanyang maaanghang na komentaryo.
Hindi rin daw siya nakadarama ng "guilt" sa kanyang ginawa, kahit na hindi pa rin nabibigyan ng COVID-19 vaccines ang mga healthcare workers, karaniwang senior citizens, atbp. sa Pilipinas na lubos na bulnerable sa sakit.
"I don’t entertain guilt feelings about having [been] injected with the vaccine kasi I was not doing so as a government official but as a private citizen," dagdag pa ng kontrobersyal na personalidad.
Probe sa VIP vaccinations
Kaugnay ng pag-"skip" ni Tulfo sa linya ng priority list sa bakuna, nananawagan ngayon si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na masimulan ang imbstigasyon sa "VIP vaccinations," bagay na naaantala dahil sa direktiba ni Duterte na huwag magsalita ang PSG.
Basahin: Duterte tells PSG to 'shut up' on use of smuggled COVID-19 vaccines during probe
"The House should start the probe now as it appears that it is not only the Presidential Security Group (PSG) that has undergone VIP vaccinations but other governement officials as well using smuggled vaccines, based on Mon Tulfo's confession," ani Zarate.
"We filed House Resolution 1451 to look into this issue early this year but it still has to be calendared for hearing. Investigating this anomaly would also put to rest rumors that even Cabinet members and members of Congress were also among those already inoculated along with Mon Tulfo."
Dagdag pa niya, hindi nakatutulong ang ginawa nina Tulfo para tumaas ang tiwala sa immunization program ng gobyerno lalo na't naa-undermine daw ang prioritization na una nang inilatag ng Department of Health (DOH).
Kanina lang nang sabihin ni FDA director general Eric Domingo na paiimbestigahan na nila ang mga bagong pag-amin ng government officials lalo na't hindi ito dumaan sa tamang proseso.
Sa huling ulat ng DOH, umabot na sa 564,865 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. 12,107 sa bilang na 'yan ang patay na ngayon.
- Latest