Emission clearance o MVIS dapat pa ring isumite sa pagpaparehistro - Palasyo
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque na bagama’t nagsabi si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat muna ipatupad ang Motor Vehicle Inspections System (MVIS), kinakailangan pa ring magsumite ng emission clearance o MVIS sa pagpaparehistro ng sasakyan.
“Bagama’t ang Pangulo po ay nagsabi na hindi dapat ipatupad ang motor vehicle inspection, kinakailangan pa rin po na mag-submit ng either iyong emission clearance or MVIS,” ani Roque.
Kaya anya may opsyon ang may-ari ng sasakyan kung emission clearance o MVIS ang kanyang isusumite sa Land Transportation Office (LTO).
Hindi raw pwede na walang isusumiteng anumang clearance sa pagpaparehistro ng sasakyan.
Sinabi ni Roque, ang magandang balita alinsunod sa naging utos ni Pangulong Duterte, ang mga operators ng private motor vehicle inspection centers ay nagsabing ang singil nila ay kapareho lamang ng emission test na P600.
Sa halagang P600, sasailalim ang sasakyan sa 73 road worthy inspection check.
Ang naunang presyo ng MVIS ay umaabot sa P1,800 para sa motor vehicles na may timbang na 4,500 kilograms pababa.
- Latest