Katutubong Dumagat pumalag sa pagsakop sa kanilang ancestral lands
MANILA, Philippines — Nagsampa ng kasong graft sa Rizal Prosecutor’s Office ang dalawang nagpakilalang katutubong Dumagat laban sa mga operators ng Masungi Georeserve dahil sa umano’y iligal na pag-okupa sa kanilang ‘ancestral land’ sa Baras, Rizal.
Sa 10-pahinang reklamo, iginiit nina Rolando Vertudez at Leonardo Doroteo na nakatira sila sa kanilang ancestral land mula pa sa kanilang mga ninuno.
Kinikilala umano sila na may-ari ng lupain sa ilalim ng Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 (IPRA Law). May sertipikasyon din sila buhat sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para okupahin ang kanilang ancestral lands.
Ngunit pinasok umano ng mga opisyal ng Masungi Georeserve ang isang bahagi ng kanilang ancestral domain noong Oktubre 2020 at ikinatwiran ang isang ‘memorandum of agreement (MOA)’ sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Una nang sinabi nitong Dis. 19, 2020 ni DENR Assistant Secretary for Climate Change Director Ricardo Calderon na hindi makapangyayari ang isang MOA sa Expanded National Protected Areas (E-NIPAS) law.
Ipinunto niya na agrabyado ang pamahalaan sa naturang MOA na nagbibigay awtoridad sa operasyon at pag-okupa ng Masungi Georeserve sa naturang protektadong lupain.
- Latest