Bagong 25-year ABS-CBN 'franchise renewal bill' inihain ni Sotto sa Senado
MANILA, Philippines — Halos walong buwan matapos ipatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Kapamilya Network, isang bagong panukalang batas mula sa Senado ang naglalayong maibalik sa himpapawid ang ABS-CBN.
Ito ay matapos ihain ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III — na kilalang TV host sa karibal na GMA-7 — ang Senate Bill 1967, ngayong ika-4 ng Enero, Lunes.
"The bill seeks to renew the franchise of ABS-CBN Corporation granted under Republic Act No. 7966, which is set to expire in March 2020, to another twenty-five (25) years from the date of effectivity of this Act," ayon sa panukala.
"ABS-CBN's wide reach to Filipinos, alongside with the undeniable advantages of broadcast media relative to mass communication, definitely calls for the immediate renewal of the network's franchise."
Breaking: SP Sotto filed SB1967 - An act renewing the franchise granted to ABS-CBN Corp.
Posted by Vicente Tito Sotto on Monday, January 4, 2021
Matatandaang nag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN noong ika-4 ng Mayo, 2020 matapos bigong makapagpasa ng batas para mapanatili ito sa ere.
Tuluyang naibasura sa komite ng House of Representatives ang nasabing prangkisa noong ika-10 ng Hulyo, 2020 matapos bumoto ang nasa 70 mambabatas kontra rito, habang 11 lamang ang pumabor.
Dahil dito, libu-libong manggagawa ng ng istasyon ang nawalan ng trabaho sa pagkakawala ng ilang television at radio stations na affiliated sa ABS-CBN.
Bukod pa riyan, itinuturing din ito ng ilan bilang pag-atake sa malayang pamamahayag, bagay na naglilimita ngayon sa libreng impormasyon ng mga television viewers.
Ang ilan tuloy sa mga Kapamilya stars, nagsilipatan sa TV5 o 'di kaya'y patuloy sa pagtratrabaho sa ABS-CBN shows na ipinalalabas sa A2Z Channel 11.
Marami sa ngayon ang hindi naaabot ng mass media information sa pamamagitan ng telebisyon, lalo na't ABS-CBN lang ang nasasagap sa ilang liblib na lugar — bagay na naglalagay sa kanila sa peligro tuwing may kalamidad gaya ng bagyo.
"ABS-CBN is the Philippines' largest entertainment and media network operating various platforms including domestic television, radio networks, worldwide OTT, and online platforms," ayon kay Sotto.
"In September, ABS-CBN is still the top choice of viewers in the Philippines as its viewers nationwide prefer to catch relevant news and inspiring TV series on ABS-CBN as the network registered an average audience share of 45%, or 14 points higher than GMA's 31%, based on the date from Kantar Media."
Taong 2018 nang makaalitan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang istasyon matapos aniya hindi maiere ang ilan niyang patalastas noong 2016 presidential elections, dahilan para sabihin niyang hindi niya ipare-renew ang prangkisa ng network kung siya ang masusunod.
Pebrero 2020 nang humingi ng tawad tungkol doon si ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, bagay na tinanggap naman na raw ni Duterte.
- Latest