^

Bansa

Kahit 11 taon na, 80 pang Maguindanao massacre suspects 'hindi mahagilap'

Philstar.com
Kahit 11 taon na, 80 pang Maguindanao massacre suspects 'hindi mahagilap'
Inoobserbahan ng mga mga pulis ang lugar na ito kung saan nahukay ang labi ng marami sa mga napatay sa madugong Maguindanao Massacre noong ika-23 ng Nobyembre, 2020
AFP

MANILA, Philippines — Patuloy pa ring tinutugis nina Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas ang sanlaksang akusadong hindi napapanagot sa madugong Maguindanao Massacre noong 2009, bagay na kumitil sa buhay ng 58 katao lagpas na ang isang dekada.

Ito ay kahit na Disyembre 2019 pa lang ay nahatulan na ng nagkasala sa 57 counts ng murder sina Zaldy Ampatuan, Datu Andal "Unsay" Ampatuan Jr. atbp. pa para sa mga naturang pagpaslang. 32 sa mga namatay ay peryodista.

Basahin: Zaldy, Andal Ampatuan Jr. guilty sa Maguindanao massacre

"Continuing manhunt operations are underway for 80 more unaccounted suspects in the celebrated Maguindanao massacre case that happened 11 years ago," ani Sinas, Lunes, sa ika-11 anibersaryo ng masaker.

"While there are persistent reports that some of these wanted persons have, in fact, left the country, the PNP will continue to exert effort in finding these fugitives to serve the ends of justice." 

Sinabi ito ng kontrobersyal na pinuno ng PNP ngayong araw matapos lang ma-indict ang walo pang suspek sa patayan. Sila ay sina:

  • Datu Moning Ampatuan Asim
  • Datu Harris Ampatuan Macapendeng
  • Dali Kamendan aka Kumander Boy
  • Mautin Upam
  • Rene Upam
  • Datu Diego “Digo” Mamalapat
  • Daud Kamendan aka Kumander Kuatro
  • isang “Biton” mula sa PNP

Ayon sa 33-pahinang resolusyon ng Department of Justice (DOJ), sinabi ng prosekusyon na may ebidensyang magpapakita na anim sa walo — maliban kina Rene Upan at "Biton" — ang nakipagpulong sa mga Ampatuan bago makilahok sa karumaldumal na krimen.

Sa kabila niyan, 40 akusado ang tuluyang pinawalang-sala ng DOJ.

May kinalaman: DOJ indicts 8 in second set of Ampatuan massacre suspects

Itinuturing pa rin ang Maguindanao Massacre bilang isa sa pinakamalalang pag-atake sa mga peryodista at election-related violence sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bagama't 58 ang sinasabing namatay kaugnay ng insidente, tanging 57 lang sa kanila ang kinikilala ng korte. Hindi pa rin kasi sinasama sa mga opisyal na tala ang photojournalist na si Reynaldo Momay.

'Nabigyan na ng hustisiya'

Kahit pagkarami-rami pang hindi nakakawala sa kuko ng hustisiya kaugnay nito, nananatili naman ang Malacañang na nakamit na ang katarungan para sa mga namatay na sibilyan.

"Ngayong araw, Nov. 23, ating inaalala ang Maguindanao Massacre, may 11 taon nang nakalipas. Nakamit na po ang hustisya sa ilalim ng administrasyong [Rodrigo] Duterte," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque sa isang briefing.

"May mga suspect pa rin na hanggang ngayon ay nakakatakas ngunit mahuhuli rin po 'yan at pananagutin sa ilalim ng ating mga batas. We will never forget."

Isa si Roque sa mga abogado ng ilang pamilyang naulila ng patayan.

Bagama't mapagpasalamat kay Duterte sa bilang ng mga tuluyang naparusahan, aminado naman si Maguindanao Rep. Esmael "Toto" Mangudadatu na hindi pa naaabot ang tunay na tagumpay pagdating sa krimen.

"[B]akit nila nagawang lapastanganin at paslangin ang aking asawa at mga kapatid  kasama ang 55 pang media personalities, supporters, at inosenteng sibilyan simply because of the task at hand or that some were in a wrong place at a wrong time?" ani Mangudadatu, isa sa mga karibal ng mga Ampatuan na siya ring namatayan sa insidente.

"Losing our love ones that day has totally changed our lives in ways that others can only fathom and imagine. I cannot stress enough how my family was affected and how my children, who suffered the most, contend life with their own grief.  And because of this pain, walang sinuman ang pwedeng magsasabi sa atin na, 'nakamit mo na ang hustisya, move on na.'" — James Relativo at may mga ulat mula kay Franco Luna at Kristine Joy Patag

AMPATUAN

DEBOLD SINAS

MAGUINDANAO MASSACRE

MEDIA KILLINGS

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with