COVID-19 cases sa Pilipinas lagpas 412,00 na; patay halos 8,000
MANILA, Philippines — Tumatalon pa rin pataas ang bilang ng nahahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa pagpasok ng bansa sa kalagitnaan ng ika-36 na linggo ng community quarantine laban sa pandemya.
Humataw na kasi sa 412,097 ang nadadali ng karamdaman sa Pilipinas, pagkaraang madagdagan pa ng 1,383 ang sariwang kaso, ayon sa Department of Health (DOH), Miyerkules.
Gayunpaman, 17 laboratoryo pa rin ang hindi nakapagsumite ng kani-kanilang datos noong ika-17 ng Nobyembre, 2020.
Narito ang listahan ng mga may pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw:
- Cavite (81)
- Laguna (74)
- Batangas (71)
- Quezon City (69)
- Rizal (67)
Sadsad pa rin naman ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, matapos itong mapirmi sa 29,474 ngayong araw. Nakukuha ang active cases matapos iawas ang mga gumaling at namatay na sa sakit.
"Samantala ay mayroon namang naitalang 143 [bagong] gumaling at 95 na pumanaw," dagdag pa ng DOH.
"Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 7.2% (29,474) ang aktibong kaso, 90.9% (374,666) na ang gumaling, at 1.93% (7,957) ang namatay."
Tinanggal naman na mula sa total case count ang apat na duplicates sa ngayon, matapos mapag-alamang dalawa sa kanila ay gumaling na.
Kaugnay niyan, ni-reclassify naman bilang deaths ang mga naunang naibalitang paggaling ng 18 katao mula sa COVID-19.
Naglinaw naman si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire pagdating sa mga gagamiting libreng COVID-19 antigen tests sa mga evacuation centers na pinaglikasan ng mga nasalanta ng bagyong "Ulysses."
Aniya, mas akma itong gamitin para sa mga taong nagpapakita na ng sintomas ng COVID-19 kaysa sa mga asymptomatic.
"Dahil ang antigen test po nakaka-detect ng positibong pasyente na totoong positibo o totoong negatibo, base sa viral load ng isang pasyente," ayon kay Vergeire.
"Kung ang isang pasyente ay may sintomas, mas accurate ang magiging resulta niya within the first five days because of that high viral load."
Basahin: Palasyo: Free COVID-19 antigen tests ibibigay sa lahat ng evacuation centers
Dahil diyan, sila-sila ang prayoridad na ma-test agad sa mga siksikang pasilidad, mga lugar kung saan prone magkahawaan ng COVID-19 ang mga tao.
Ayon sa World Health Organization, halos 54.8 milyon na ang nahahawaan ng nasabing sakit sa buong daigdig. Sa bilang na 'yan, 1.32 milyon na ang patay.
- Latest