Brownout? Huwag gumamit ng generator 'indoors,' nakamamatay — DOH
MANILA, Philippines — Ngayong uso ang brownout dahil sa kaliwa't kanang bagyo linggo-linggo, nagbabala ang Department of Health laban sa paggamit ng mga generator sets sa loob ng bahay — "deadly" raw kasi ito.
Ito ang kanilang paalala matapos ang tila walang-katapusang caravan ng anim na bagyo mula Oktubre: mula kay Pepito, Quinta, Rolly, Siony, Tonyo at Ulysses.
Hindi tuloy naiwasan magdilim ang kabahayan nang marami, dahilan para umasa sa generator ang ilang pamilya para may pagkuhanan ng kuryente pansamantala.
"Binabalaan ng [DOH] ang publiko na 'wag gumamit ng generator sets sa loob ng bahay o sa mga enclosed spaces tuwing mawawalan ng kuryente dahil pwede itong humantong sa carbon monoxide poisoning," sambit ng kagawaran, Sabado, sa Inggles.
"Ang carbon monoxide ay isang uri ng gas na walang kulay at amoy na maaaring ikamatay o magdulot ng 'di na maaagapang long term health effects kapag nasa mataas na antas nito."
— Department of Health (@DOHgovph) November 14, 2020
Para sa mga kinakailangang gumamit nito bilang pagkukunan ng kuryente, mainam daw na maayos ang "exhaust system/vent" ng generator bago gamitin. Maliban diyan, magandang isailalim daw ito sa palagiang maintenance at sundin ang safety instructions nito.
Ang mga nasabing generator sets ay karaniwang gumagamit ng gasolina, diesel, biogas o natural gas para itransporma ito sa mechanical energy — bagay na ginagamit para paikutin ang alternator rotor na lilikha ng kuryente.
"Kung makararamdam ka ng sakit ng ulo, pagkahilo, kahirapan huminga, pagkalito at/o pagsusuka habang gumagamit ng generator sets, agad na magtungo sa pinakamalapit na health facility," patuloy ng DOH.
Maaaring kontakin ang mga sumusunod na hotlines at cellphone numbers sa oras kung mailalagay sa peligro kaugnay ng carbon monoxide poisoning:
NCR Poison Control Center hotlines
- (02) 921-1212
- (02) 928-0611 loc. 707
- (02) 855-8400 Loc. 113
- 0923-271-1183
UP National Poison Management and Control Center
- (02) 8-524-1078 (Hotline)
- 0966-718-9904 (Globe)
- 0922-896-1541 (Sun)
- Latest