'Siony' palabas ng PAR pero bagong LPA papasok, magiging bagyong 'Tonyo'
MANILA, Philippines — Bagama't dahan-dahan nang lumalayo ang Severe Tropical Storm Siony mula sa Pilipinas, nagbabadya namang pumasok ang panibagong sama ng panahon at posible ring maging panibagong bagyo.
Ayon sa ulat ng PAGASA, 10 a.m. nang mamataan ang mata ng bagyong "Siony" 50 kilometro hilagangkanluran ng Itbayat, Batanes, at may dalang hanging papalo ng 95 kilometro kada oras malapit sa gitna.
May dala pa rin itong bugsong aabot ng 115 kilometro kada oras at kumikilos sa direksyong pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
"In the next 24 hours or mamayang gabi lamang ay posible na itong lumabas ng ating [Philippine] Area of Responsibility," ani Ana Clauren, weather specialist ng PAGASA.
"[M]apapanatili po nito ang kanyang lakas, ngunit unti-unti po itong hinhina and by Sunday ay posible na rin itong maging isang ganap na low pressure area."
Bagama't papalayo na at humihina dahil sa lakas ng surge ng northeastly surface windflow, nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal no. 2 sa Batanes, habang signal no. 1 pa rin sa babuyan Islands.
"Nararanasan pa rin po diyan [sa Batanes] ang pagbugso ng hangin na posibleng umabot sa 61 hanggang 120 kilometers per hour," dagdag pa ni Clauren.
"So malakas na pagbugso ng hangin pa rin 'yan at may kaakibat pa rin 'yan na katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan."
Samantala, binawi na ang signal no. 1 sa mga lugar gaya ng hilagang bahagi ng Cagayan, Apayao at Ilocos Norte.
Tinatayang pipihit ang bagyong "Siony" pa-timogkanluran Sabado nang umaga patungong timogkanluran ng Taiwan at pupunta rin ng West Philippine Sea.
LPA sa silangan ng Mindanao
Samantala, namumuo rin ang isa pang sama ng panahon (LPA) na nasa labas pa rin ng PAR at huling nakita 1,195 kilometro silangan ng Mindanao.
Aniya, maaari itong pumasok sa PAR ngayong hapon o gabi.
"Habang papalabas po itong bagyong si 'Siony' ay papasok naman itong bagong LPA na ating binabantayan," patuloy ng weather forecaster.
"At sa susunod na 48 hours ay posible rin po itong maging isang bagyo at papangalanang... si Tonyo."
At batay sa analysis ng mga dalubhasa, maaari itong magpaulan sa bahagi ng silangang Kabisayaan at Timog Luzon sa mga susunod na araw.
- Latest