DOH: Swab testing sa patay na COVID-19 suspect 'wag gagawin
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Health sa mga ospital at health facilities pagdating sa mga pagsasagawa ng coronavirus disease tests sa mga yumao na sa pagtitiyak ng tunay na dahilan ng kanilang pagkakamatay.
Lumalabas kasi ang mga ulat na namamatay na lang ang mga possible COVID-19 patients nang hindi man lang nakukunan ng "swab sample," dahilan para gawin ito sa mga bangkay na ilang araw nang pumanaw.
"As to testing post-mortem, hindi po namin 'yan ina-advise," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga reporters, Miyerkules.
"Kasi wala pa ho tayong sapat na ebidensya that even in cadavers, or those people who have died already, na mataas pa rin ang load ng virus."
Aniya, kailangan daw kasi ng buhay na "host" ng mga virus. Dahil dito, pwedeng maging "inaccurate" na ang test results ng pumanaw kahit positibo talaga sila sa COVID-19 noong buhay pa.
Susi itong usapin lalo na't may mga nakakasalamuhang tao ang mga namamatay na pasyente bago dalhin sa ospital.
"'Pag namatay na po ang host o 'yung tao, mas mahirap na o mas less na 'yung ating probablity na makakuha ho tayo ng virus through the test that we use. So we do not recommend that," wika ng DOH official.
Oras na nangyayari ang mga nasabing kaso, idinadaan agad sa cremation o pagsunog ng labi ang katawan ng pasyente, at hindi na makikita pa ng pamilya kahit hindi pa kumpirmadong may COVID-19 o wala.
'Lunas muna bago testing'
Paliwanag pa ni Vergeire, sadyang hindi maiwasan na ma-"delay" ang pagsasagawa ng resulta sa na pinaghihinalaang dinapuan ng virus, lalo na't prayoridad ng mga pagamutang maglapat agad ng lunas kung malubha na ang lagay ng pasyente.
"[Madalas ay h]indi po sila nakakarating doon sa ating facility... para magamot nang mas maaga," sambit pa niya.
"Hindi po natin dine-delay ang ating paggagamot kung sakaling wala pa po ang test."
Wika pa ng gobyerno, oras na magpakita ng COVID-related signs and symptoms ang isang pasyente ay ginagamot na sila ng mga doktor at clinicians na gaya na rin ng isang kumpirmadong kaso: "They manage the patient as COVID already. 'Yung pagte-test po ay susunod na lang," saad pa niya.
Sa huling ulat ng kagawaran nitong Martes, umabot na sa 373,144 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 7,053 na ang namamatay. — James Relativo
- Latest