Bagong ambulansiya parating sa 13 bayan ng Benguet
MANILA, Philippines — Asahan na raw na sa darating na 2021, lahat ng 13 bayan ng lalawigan ng Benguet ay may mga bagong ambulansya na, ayon kay ACT-CIS Cong. Eric Yap.
“Ito po ang request ng mga mayors po natin na magkaroon ng mga bagong ambulansya dahil yung mga existing nilang ambulansya, kundi sira na ay mabagal ng tumakbo dahil sa kalumaan,” ayon kay Cong. Yap, na siya ring caretaker ng Benguet Lone District.
Noong Biyernes, dalawang brand new ambulances ang ibinigay ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa bayan ng Bakun at Kapangan na nagkakahalaga ng P3.2 milyon.
Ayon sa PCSO, ang donasyon ng naturang mga ambulansya sa dalawang bayan ay request ni Yap gayundin ang P200,000 na mga gamot na ipinamahagi naman sa mga local government units (LGus) ng Buguias, Tublay, at La Trinidad.
“May mga parating pa po na mga ambulansya next year mula sa PCSO pero dun sa mga bayan na hindi mabibigyan, ang tanggapan ko na po ang magbibigay sa kanila,” dagdag pa ni Yap.
Pahabol ng mambabatas, ang mga ambulansya ay maghahatid ng mga pasyente ng COVID-19, mga magpapa-dialysis o magpapa-chemotherapy sa Baguio City o karatig na mga lungsod.
- Latest